5.28.2004

Pauwi kahapon ng mapansin kong may napakataas palang gusali sa may EspaƱa at matagal na itong nakatirik doon. Ilang taon na kayang nakatayo iyon at di ko man lang napansin na matayog pala siya?

Doon ko napansin na parang di na ako tumitingala. Parang ang toon ng pansin ko ay ang mga bagay na abot lang ng diretsong paningin ko. Na nakikita lang ang mga tuktok kapag nasa malayo pa ako at ito ang diretsong abot-tanaw ko. Lalo pa't di maitatanggi na mas matangkad ako sa karamihan, kaya't di ko namamalayang halos nakayuko na akong makipag-usap.

Ano kaya ang mga bagay na di ko nakikita dahil hindi tumitingila? Anong mga tuktok at kaitasan kaya ang nalampasan? Mamaya pala may King Kong na sa Enterprise, di ko pa napansin. E gaano kadalas kaya akong tumingala sa mga bituin ngayon? O sa maluwag na kalangitan? O sa mga payat na antenna na parang kaawa-awang putong sa mga gusali? Oo nga, di na rin ako nakakakita ng ibon dito sa Metro Manila.

Hindi tulad ng dati na nangangawit na ang leeg at humiga na sa damuhan para lang mamingwit ng sandali at panoorin ang mga bituin. Ngayon, parang walang panahon. O walang makakasama. O walang paglulugaran.

Napakadaming dahilan. Ngayon ngang araw, titingala ako at panoorin ang umiinog na mundo mula sa ilalim.

<<

Ernan at 8:39 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment