5.17.2004

Nangangailangang huminto paminsan-minsan at tumingin sa paligid. Manatili at makiramdam. Tanungin ang sarili kung nasaan na, kung alam nga ba talagang naririto.

Ngayon kahit mabatid na hindi ito ang tunay na nais gawin, sumasabak pa rin ako. Wala na ang romantisismo ng pagtalikod na tulad ng naisulat ni Oz kahit na naririnig pa rin ang tambol sa Chad at nananawagan pa rin ang usa na mapalaso ito.

Umuusad ang araw kahit mabagal. Isang hakbang matapos ang isa kahit hindi ko alam kung saan ang katapusan. Kinukulit pa rin akong tumaliwas ngunit hindi na nagpaphatak.

Hindi kapayapaan o kahinahunahan. Ngunit kapayakan. Ito na ba ang sinasabi nilang pagharap sa responsibilidad? Ito na ba ang pagtanda?

------------

Signal number one.

Makulimlim at nagbabanta ng pagbuhos ang langit. Malikot ang hangin at nagugulumihanan ang lahat.

Gusto ko ang ganitong mga araw.

Kasabay ng patak ng ulan tumatagas din ang udyok sa aking magsulat. Hindi ko alam kung bakit. Ngunit nangangati ang kamay at imahinasyon gaya ng pagsulpot ng mga maiitim at malinamnam na kabute sa lupa ng Tagaytay matapos ang ulan.

Ang napagtanto ko lang nitong mga nagdaang buwan ay wala sa bigat ng trabaho o linya ng gawain ang pagsusulat. Ang pagsabi ng saka na lang dahil napakarami kong gagawin ngayon ay pagbibigay rason lang para hindi magsulat. Ikaw ang magbibigay oras para rito. Gagawa ka ng paraan at bubutasin mo ang schedule mo para mapagbigyan ang udyok. Tulad ng sa kolehiyo, tumutula sa gitna ng huling pagsusulit sa Finance o ang hindi pagpasok sa Management class kasi may isusulat na ilang linya at hindi maiwan-iwan.

Walang ibang kadahilanan ang hindi pagsusulat kundi kakulangan sa katapatan. Ang lahat ay pawang walang wawang pangangatwiran lang.

<<

Ernan at 3:46 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment