4.28.2004

Bigla-bigla kung magdesisyon ako. Tulad ngayong summer. Na kung kailan dapat ay nagpapahinga at hindi atubili sa mga bagay ay siya namang pagkapuno at siksik ng schedule ko.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote ko. Matapos ang semana santa, naisip ko na lang na tumawag sa Instituto Cervantes at mag-aral ng wikang Kastila uli. Lunes noong tumawag ako. Aba, Miyerkules na raw ang simula ng klase. Para makahabol, kinakailangan kong mag-enroll kinabukasan. Ano pa nga ba, kinaladkad ko ang sarili patungong Taft at nagsabulol ako. Wala na akong matandaan at hindi man lang ako makabuo ng isang matinong pangungusap. Tinaguriang sertipikado pa man din ako ng minor sa Spanish Studies. Walang kuwenta. Ang naalala ko lang ay sadyaing isayad ang dila sa mga s para tunog Kastila ka talaga.

Tapos, naalala ko na kukunin ko pala ang mga grado ko sa U.P. Huwebes ng hapon nang tumawag ako kung meron na bang grade. Meron na at enrollment na rin pala para sa summer. At dahil sadyang suwerte ako, kinabukasan ang huling araw. Late enrollment na nga raw. Nagulantang naman ako. Kaya nagtanong na ako kung anong klase ang puwede kong pasukan sa summer. Sabi ng college secretary, na siya na ring tumatayong adviser kapag wala ang dekano, Readings I. Pasok daw 'yun sa kurso ko. E di sige. Tanong naman ako kung saan magpapa-reg. Sa kanya raw. Mahusay! May slot pa ba? Doon nagdalawang-isip si Ate Elvie. Kasi naman, dadalawa lang ang nag-sign up. Ako ang ikatlo. E lima ang quota para mabuksan ang klase. Huling araw na ng reg noong tumawag ako. Napatigil si Ate Elvie pero sa huli sabi niya siya raw ang bahala. Bubuksan nila ang klase para sa akin. Basta raw makapag-register ako ngayon. Nakupo! Alas-tres y medya na at alas-singko sila magsasara. Daglian akong naligo at kumaripas papuntang Romulo Hall.

Saktong-sakto. 15 minutes to 5 nang dumating ako. Pero noong nagreregister na ako, tumambad sa'kin, tama nga Readings I. Pero ang kumpletong course title ay "Readings I: Philippine Society and Culture, Discourses on the Left and left-of-center groups and their impact on the nation and the economy from1946 to the present". In short, tungkol sa mga komunista. Naman e. Mukha ba akong tibak? Pasensya na ha, pero di ako maka-Marx. At wala akong pakialam sa komunista sa Pilipinas kahit na may kilala akong mangilan-ngilan.

Ako naman ang natigilan. Umistayl ako. Sabi ko, naku di lapat ang schedule sa trabaho. Baka puwedeng di na lang ako mag-register. Ang sama ng tingin sa'kin ni Ate Elvie. Paano, nasabihan na niya ang dekano, ang guro, at ang dalawa kong kaklase na tuloy ang klase. Idiniin pa niya na itinuloy ang klase dahil sa akin. Pinagpilitan ko pa rin. Ang sagot niya e Readings naman daw ang kurso at di kailangang pumasok talaga. Mga isa o tatlong beses lang kaming magkikita ng guro. At pagkatapos noon, kung kailan ko na lang gusto. Natameme ako. Ano kasi ang maisasagot mo doon. Sa kahihiyan at sa hassle, pinasok ko na rin ang klase.

Kaya heto ngayon. Sandamakmak na assignments at readings. Required ba naman na anim na libro ang basahin sa loob ng 4 na linggo. At iyon ang suggested readings. Isama mo pa ang walang katapusang listahan ng support readings. Readings nga. Hay! Iniisip ko pa lang, napapagod na ako. Idagdag pa ang hassle sa trabaho.

Hindi ko alam ang pinaggagawa ko. Sana lang kahit paano may katuturan. Kapag nagkita tayo uli, malamang kaya ko nang ikuwento ang life story ni Joma Sison. At alam ko na rin sa wakas ang pagkakaiba ng Stalinist at Trotskyist.

Pero habang tumatagal naman, nagiging interesante rin siya. Ito ang masaya dito, ang mga bagay na wala kang pakialam ay napipilitan kang usisain. Malay ko bang isipin na uungkatin ko ang simula ng komunismo dito. At ang mga minsang narining na mga pangalang Crisanto Evangelista at Lava brothers ay kailangang kailangang tandaan. Kita mo, bet ko di niyo sila kilala.

Kaya imbis na magtampisaw ako sa dagat o sa pool, nilalangoy ko ang kasaysayan ng CPP. Nakikibaka sa bulto-bultong babasahin. Nagsasunbathing ako sa mga paliwanag ni Marx, Engels at Mao. Hindi naman siguro ako tuluyang mamumula.

<<

Ernan at 9:37 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment