9.08.2003

September 8, 2003 || 12:57 am


Sampu ang anak ni Lola Kika at Lolo Dadong. Limang babae at limang lalake. Sa limang babae, pangatlo sa pinakamatanda ang nanay ko.

Kapag nagkakasama sila, napagkukuwentuhan nila ang mga hirap nila nung bata sila. Hindi kami angkan ng mayaman kaya't bata pa lang ay tumutulong na sila sa hanap-buhay ng lolo't lola ko. Naiisip ko na lang ang responsibilidad ng nanay. Ang pamamalengke at pag-aaruga sa mga nakababata.

Sa lahat ng narinig kong kuwento, laging kaakibat ang hirap at trabaho. Mga kalokohang nagmumula sa pagod. Kung papaanong tumataliliis si Tito Rading sa lolo kapag my gawain, ang malimutan ni inay na bumili ng bigas kaya walang sinaing, at kung ano pa. Hindi ako nakarinig ng kuwento na date-date o gimik sa kabilang bayan. Mga realidad siguro na kilalang-kilala ko. Iyon bang katuwaan na katuwaan lang talaga.

Lumaki ang nanay na mulat sa responsibilidad. Hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo at ang alam ko namasukan sa isang panahian sa Maynila. Tinulungang makatapos ang dalawang pinakabatang kapatid ng kolehiyo.

Hindi maimik si inay; kundi rin lang kabuhayan, mananahimik na lang siya. Pati love story nila ng ama ko, sa iba ko pa nalaman. Mula pagkabata, paalala lagi ang naririnig ko. Minsan nakaririndi pero nakasanayan na.

Noong bata'y siya ang nagkukulong sa akin sa labas ng bahay kapag hindi ako umuwi sa tamang oras. Papapakin ako ng lamok hanggang may maawang kapatid na magbubukas ng pinto. Pinagbabawala rin dati ni nanay ang pagbabasa ng libro sa akin. Paano'y nakukulong daw ang utak ko ng libro. Paano kasi'y buong araw akong nakatitig sa libro. Hanggang ngayon, umiismid siya kapag matagal akong nagbabasa. Pero alam kong natanggap na niya iyon. Siya kasi ang nagpagawa ng bago kong bookshelf gayong di ko naman hinihingi.

Praktikal si nanay. Ngunit ispirituwal. Kapag umalis ng bahay, ang tungo niya'y grocery, palengke, bangko o simbahan. Halos ang kabarkada niya'y mga pari. Kahit mag-isa'y nagsisimba siya linggu-linggo. Hinahatak kami sa kung anu-anong pista, sa mga panata na noon pa ginawa. Walang mintis, buo kaming pamilya sa pista ng Sto. Nino sa Tondo. At halos lingguhan na salit-salit sila kung bumisita sa Nuestra Senora de Buen Viaje sa Antiplo o sa Our Lady of Manoaog sa Pangasinan. Ang sine niya'y misa. Ang kabarkada niya'y mga pari. Bawat linggo yata'y may nadaraan na bisitang pari. Dati nga'y pangarap niya na isa sa amin ng kuya ko ang magpari. Minataan pa niya ang bunsong babae na magmadre. Ngunit mukhang hindi matutupad ang pangarap niya. Baka sa apo na lang.

Nagbago na ang pangarap niya sa bunso namin. Balak niyang magnars ang ito. Malaki raw kasi ang kita rito. At totoo naman. Ngunit siyempre umaalma ang kapatid ko. Ganyan si inay, ginugustong di namin maranasan ang naranas nila. Kaya nga't kapag wala akong trabaho'y napagsasabihan niya ako. Pinupukpok na kumuha ng regular na trabaho. Hindi niya kasi maintindihan ang konsepto ng freelance.

Mabuti lang naman ang hangad niya sa amin. Magpapaalala kahit masakit sa tainga. Ngunit uurong din naman sa talagang desisyon mo. Kung mapakita mong naninindigan ka rito.

Katuwa nga kaninang nanonood kami ng CNN at ipinakita ang isang lungsod sa Israel na tinamaan ng mga bomba, pinaguusapan naming lahat ang giyera ng Palestine at Israel, kung papaanong balakid si Arafat sa kapayapaan; biglang tugon ng nanay ko na nananahimik, "ang payat ng hollow blocks nila." Sa TV, kita ang debris ng bomba at ang mga nawasak na pader. Nahubaran sa pinta at nagkaguho, litaw ang hollow blocks na buto. Yayat nga naman ang mga ito. Sa una'y di ko maintindihan. Nang lumaon at ninamnam ang sinabi ni nanay, malalim pala ang pahiwatig niya.

Payat ang hollow blocks at hindi maganda ang yari ng bahay. Madaling gumuho. Ano na lang ang sinasabi nito sa sambayanang Israel? Kung ang mga bahay nila'y di pagmabutihin.

Sobrang pagbasa na ito sa nais ipahiwatig ng nanay ko. Pero ganito marahil ang nais niyang sabihin.

Payat ang hollow blocks at hindi maganda ang yari ng bahay. Madaling gumuho. Ngunit kaming magkakapatid ay walang ipag-aalala sapagkat ang pundasyon nami'y hindi yayat. Hindi bukbukin. Hindi madaling gumuho. Tiniyak ng nanay ko 'yun. Tiyak ako doon.

Ernan at 1:56 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment