9.04.2003

September 4, 2003 || 1:32 am


Napasadahan kanina sa usapan ang mga hilig sa musika. May nagbanggit na hindi siya mahilig sa pop. Madalian akong sumang-ayon ngunit ngayong binubusisi ko ang laman ng hard drive ko, napadalawang-isip ako. Nagtatagisan sa playlist ko ang The Jets at ang The Strokes.

Pagkabata pa lang, mulat na ako sa pop music. Sa bagay, iyan naman talaga ang kinamulatan nating lahat. Mula Butchikik hanggang Time After Time. Tumatak sa murang isipan. Siguro nga'y kapag ngayon palang ako tinutubuan ng buhok sa binti, "Spaghetting pataas pataas nang pataas" ang magiging theme song ng kabataan ko.

Ang unang sabak ko marahil sa musika'y ang mga pilit na pinasasayaw sa aming mga bata tuwing may okasyon. Sa bahay man o sa paaralan. Borderline, Swiss Boy, La Bamba, New Age Girl, Mr. Boombastic, Mga Kababayan Ko. Ilan lang iyan sa mga kantang inindakan namin. Pasko, Valentine's, Field Day, Santa Cruzan. Mga puppet kaming sumasayaw. Costume changes, confetti, glitters at gloves. High school na nang tinubuan ako ng buto ng kahihiyan at napagtantong di talaga ako marunong sumayaw.

Mula bata pa lang wala na talagang tono ang boses ko. Malinaw pa rin sa isipan nung tinuturuan ako nina Alex at Dudz na kumanta ng Could've Been sa tapat ng bahay nila Lino. Paulit-ulit sa'king pinapakanta ang unang linya, "The flowers you gave me are just about to die." Hanggang sa magsawa sila. At hanggang ngayon di ko pa rin makuha-kuha ang tono ng unang linya ng kaisa-isang kanta ni Tiffany na alam ko. (Ah meron pa palang isa, I think we're alone now)

Naalala ko pa na lihim kong kinukuha ang tape ng ama ko na 4 Big Stars. Compilation iyon ng 4 na singer. Ngayon ang natatandaan ko lang sa 4 ay si Frank Sinatra at Matt Monro. Lagi kong pinapatugtog ang My Way na huling kanta sa Side B. "And now the end is near so I face the final curtain." At ang pinakamatingkad na New Year sa akin ay iyong mga pagsalubong sa Bagong Taon ng pagkanta ni Tita Batch ng "Chiquitita tell me what's wrong" na sasabayan namin habang nagsisitalunan at pumuputok ang sinturon ni hudas. Nakagawian na naming kantahan ng Abba ang parating na taon.

At noong summer ng Grade 6 (kung kailan uso ang Cool Summer Nights ni Francis M.) nagdala ang pinsan kong nakakatanda ng bootleg tape ni Andrew E. at ng Eraserheads. Nasa kolehiyo na noon si Kuya Alvin at lubos naman ang tingala ko sa kaniya. Nasa Pampanga kami noon at sakay ng pinagpapaktrisan naming idrayb na owner jeep (matigas ang manibela para lumaki ang braso at walang aray kung mabangga) nagpapatugtog kami ng malakas sa speaker na talaga pang ikinabit ni Kuya Randy sa likuran. Umiikut-ikot kami sa palengke (ano pa ba ang iba naming pupuntahan kundi bayan) habang umuugong-ugong ang Binibi Rocha, binibi rocha, talagang type kita. Napakabata ko pa para maintindihan ang mga double meanings. Umiindayog-indayog ako at nakiki-hum, feeling ko sobrang cool ako. Wala pa ang jologs term noon. Ang pinakamalapit ay squaking o kaya baduy. Hindi naman kami mukhang squatter at sa mga panahong iyon ay hindi pa baduy si Andrew E. So I was cool.

Pagbalik ng Quezon City, pinagipunan ko ang tape ng Eraserheads. Sisenta pesos pa yata iyon. Sa National Bookstore Quezon Avenue ko pa binili. Pinagpawisan pa ako ng malamig kasi may parental advisory na nakadikit sa harapan nito at baka di ako pagbentahan. Ngunit mabait ang Diyos at nadiskubre ko si Shirley at ang combong laging on the run.

Pero balik pop pa rin ako. Nakinig lang ako ng radyo nang mag-concert ang Introvoys sa eskuwelahan namin. Para hindi magmukhang tanga, inalam ko kung sino sila. Doon na, gabi-gabi yata'y nakinig ako. Sa awa ng Maykapal, hindi ko nahiligan ang Line to Heaven. Natutok ako sa LS noong una. Nang lumaon, LA at NU na. Tama nga, tinedyer pa lang hati na ako. Sabay ng hilig ko sa Chain Gang at Cranberries ay Indecent Obsession; nadiskubre ko si Beck at si Nelson del Castillo.

Maka-pop nga talaga ako. Ngunit isinusulat ko lagi sa favorite music ang Alternative Rock. At iniiwasan kong parang galis ang pop. Samantalang panakaw kong pinakikinggan ang Destiny's Child at si Mandy Moore. Kapag iniisip ko nga, ceteris paribus, may mga pop songs akong magugustuhan. Iyon nga lang, may kaakibat itong bagahe ng pagkabaduy o masa na pumipigil.

Gaya na lamang ng theme song ng Meteor Garden. Matagal ko nang naririnig pero hindi ko pinapansin. Minsang naghahabol sa oras at sakay ng taxi, pinatugtog ang pinoy version nito sa radyo. Samantalang pinagbabali-baligtad ko ang linya ng script sa utak, tumutugtog ang kanta. Sumigid na lang bigla na nakakaaliw pala ang melody ng kanta. Saka ko lang napagtanto na Meteor Garden pala iyon.

At kung pag-iisipan, ang mga gusto kong lumang kanta ay maibibilang sa pop. Ang Spiral Starecase, Beatles, Nat King Cole, Crew Cuts, etc. Lahat sila pop nang mga kapanahunan nila. Pati ang To Sir, With Love ni Lulu trip ko. At hindi ko ikinahihiya iyon. Pero isip ko, kung kapanahunan ko sila at kilala ko sila at ang image at bagahe nilang dala-dala, magugustuhan ko pa kaya sila? Maigmamalaki ko pa bang kilala ko sila?

Ang punto, tila hinuhubog ng marketing at image ng singer ang mga kantang gusto ko ngayon. Natatabunan ng feeling pa-alternatibo ko ang pop sensibility ko. Malay mo kung kapapanganak ko pa lang ngayon baka sinasanto-santo ko na sa year 2030 ang Creed.

Hindi naman siguro. May tainga pa rin naman ako para mabatid ang basura sa hindi.

Pero heto nga't noong nagsara ang V ay inumit ko ang mga CD's ng Grammy winners, Siakol, Billy Joe Crawford, Atomic Kitten, Aegis at iba pa. Isip-isip ko, sayang at pakikinggan ko rin naman.

Anu't ano man, pop man o hindi, basta trip ko, trip ko. Iiwasan ko nang ikahon ang lahat. Pababayaan kong magrambol si Ryan Adams at Bryan Adams. Mood mood lang iyan.

Ernan at 1:31 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment