9.11.2003

September 11, 2003 || 11:47 pm


Palalim ang gabi at binabaybay niya ang EDSA. Palalim ang gabi ngunit maliwanag sa EDSA. Bukod sa ilaw sa daan, nababakuran ang langit ng mga billboards. Nilulunod ng mga malalakas na spotlight ang dilim. Pinalulutang ang sari-saring bentahe. Ang Timex ni Piolo. Popeye's ni Jericho. Click Barkada para sa PLDT. Lee Pipes. Mango. Endless Love. First Time.

Pelikula, pagkain, damit, musika, pag-ibig, libog. Lahat ng iyan nakapaskil, nakapaskil at pinalaki. Sakop ang mga pisngi ng nagtataasang gusali. Pinalilibutan tayo. Bawat galaw natin, bawat usad sa buhay binebentahan tayo. Makalat ang paligid ng samu't saring anunsiyo.

At nakakapagod. Na laging ipinaalala ang kakulangan sa atin. Na pina-iikot ang mundo natin ng mga bagay. Kailangan man o hindi. Ibig man o hindi. Lagi silang nariyan.

Gusto ko tuloy magtago kung saan di nila maabot. O kahit sa hindi na lang sila nakapalibot. Naiisip ko ang lagi kong sagot kapag tinatanong kung ano ba talaga ang ibig kong trabaho, kung nasa akin na ang yaman at walang ibang iisipin, ano ang ginagawa ko sa araw-araw? Iisa lang lagi ang sagot ko at ang karamiha'y nagugulat. Magsasaka o ranchero.

Imbis na billboards, nais kong palibutan ako ng puno, ng luntian at ng bughaw. At kapag ganitong maaliwalas ang gabi, ang mga dahon at sanga ang babakod sa kalangitan. Tatanawin ko ito habang papalalim ang isipan.




May tagpo sa End of the Affair kung saan nahulog si Maurice Bendrix. Nawalan siya ng malay at pagtayo niya'y binanggit niya na gumising siya sa panibagong mundo. Na wala siyang naramdaman—pag-ibig, muhi, lungkot, galit. At sa sandaling iyon, sa panahon ng walang emosyon, tila masaya siya.

Maari ngang totoo. Walang nagsabi na masaya ang pag-ibig. Hindi porke umiibig ka'y masaya ka. Mali ang inaasahan natin sa pag-ibig. Huwag mong hanapin ang saya sa pag-ibig.

Tila sinasabi ni Graham Greene sa isinulat niya na responsibilidad ang pag-ibig. "Love doesn't end just because we don't see each other." Maari pang pabigat. Pabigat na nais nating yakapin. Pabigat na naglalapit sa atin sa buhay. Na ating buhay. Kaya mag-ingat. "You see Maurice never make a promise. You may have to keep it."



Ernan at 11:42 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment