8.08.2003

August 8, 2003 || 2:51 pm


Nakalimutan ko na yatang mangarap. Ito ba ang pagiging jaded na sinasabi nila, o cynical. Hindi pa naman siguro ako umaabot sa ganoong katigas na paningin.

Ngunit napansin ko na lagi na lang nakalipas ang pinag-uusapan ko. O ang kasalukuyan. Ganito kami noon, ganito kami ngayon. Wala sa pelikula ng sarili ang bukas. Parang ang lahat ay nangyari na at gusto na lamang ulitin ngayon sa pammagitan ng pag-ungkat.

Makakalimutin akong tao ngunit kapag tinanong mo ako sa mga karanasan noon, marami akong maidedetalye. Ngunit kapag tinanong mo naman ako kung anong gagawin ko sa isang buwan, isang mahabang patlang ang isasagot ko. Sapagkat wala, sapagkat hindi ko alam, sapagkat hindi ko sapat yatang napag-iisipan.

Sa kakatakot ko sigurong tuluyang mawala ang nakalipas e tuluyan na lang yatang nakalingon ako. Me stiff neck na siguro, at napapansin kong umaangal ang buong katawan. Kaya nga susubukan ko ngayong harapin ang bukas. Kung ano mang hugis nito. Babaluktutin ko ang sinabi ni Ritsos, "and maybe someday, from a different direction, we'll meet."




Masarap pakinggan ang I Wanna Be Your Dog ni Iggy Pop at Use Me Till You Use Me Up ni Al Jarreau.




At kahit ipikit mo ang mata mo, nagbago na ang timbre ng boses niya. Parang pinipisil ang mga salita sa dulo—mas matining, mas mahina, mas maarte. At kahit iiwas mo ang tingin mo, may nagbago sa mukha niya. May pinangangalagaan, hindi tunay na sarado ngunit hindi rin naman talagang bukas. At kahit hindi mo intindihin ang ibig niya, may nagbago o hindi ka napansin dati. Madaling mairita at mapangahas kung manuya, maraming bagay na gusto mong ipaglaban.

Ngunit gayunpaman, ikaw ang nag-ayang magkape sa haba ng kahapunan. At kahit hindi ka sanay sa mapait na kape, matamis ang ngiti mo.




Cinemanila na pala. Dumaan naman kayong Greenbelt Cinemas 1, 2 and 3. Nandito ang schedule.

Ernan at 3:09 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment