8.05.2003

August 5, 2003 || 10:30 pm


Lumipas ang isang gabi ng Heights workshop sa pakikinig. Sa poetry reading, balita ng matagal nang di nakikita, nakagugulat na 5 year old tsismis, kantiyawan ni Alwynn at Becky, kuwentuhan ng mga di kilalang mga bata, huni ng gabi at kalembang ng kampana ng umaga.

Ngunit ang matagal ko na palang pinakaabangan na tunog ay ang mga bulung-bulungan at kuro-kuro ng mga workshoppers. Na kung papaano pagkatapos ng sessions ay magkukumpul-kumpol at pag-uusapan ang literatura—ang gawa ni ganito't ganoon, bakit pumalya, napakaganda, panatang magsusulat hangga't makakaya.

Ang nag-aalab na kabataan. Ang galak at gayak ng bagong salta. Ibang karinyo ang timbre ng boses nila. Mga kuwentuhang pamorningan. Pagbubuo ng isipan, pintuho sa salita.

Naalala ko kung papaano kami noon. Ang pagtambay sa isang prayer room, bisita sa sementeryo ng mga pari sa talukbong ng gabi at ang takutan, ang pag-stay naming lahat sa pinakamalaking kuwarto at pagsisiksik namin sa kakarampot na espasyo. Iyakan, intriga, instant bonding. Mga teoryang poetry as church, the creative cartesian plane, at kung ano pa.

Higit sa lahat, iyon ang kinaiinggit ko sa mga workshoppers. Ang mga tatlong gabi na gustong ulitin ulit. Kahit gaano mo pala sulitin, gugustuhin mo pa rin ng take two.

Ernan at 11:22 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment