8.30.2003

August 30, 2003 || 2:44 am


Sasamantalahin ko na ang pagkakataon habang may oras pa ako at hindi gaanong inaantok at nalalata ang katawan. Makakapag-post din ako ulit, sa wakas.

Kagagaling ko lang sa Pulp Nite sa Mayric's. Tumugtog ang C.O.G., Kamikaze, Cheese, Sky Church at dalawa pang bandang di ko kilala. Kukupaw kukupaw. Dumalo ako dahil nakiusap si Peach na kuhanan ko ang event para sa Pulp. In short, instant photographer ang labas ko. Ako na hindi raw marunong mag-frame, na laging malaki ang headroom, na walang kalatoy-latoy ang composition, na hindi marunong humawak ng manual cam (haha naalala ko tuloy ang payo ni Irwin, hold your cam like you would your genitals), na pinapatong ang daliri sa kaliwang mata para makakuha dahil hindi makakindat ng maayos.

Pagdating ko'y binigyan ako ng digicam. Aba'y kinapa ko pa kung papaano pa-clickin. Buti na lang at di ako malaking tanga, nakakuha naman ako. Ewan ko nga lang kung maayos.

At speaking of kupaw, punung-puno ang Mayric's. Ngayon ko lang nakita itong nag-uumapaw sa tao mula noong kainitan ng Sunday Grabe Sunday. Ano pa ba ang may hatak? Ang Cheese. Kesong tumatalbog-talbog at nagheheadbang.

Kakaiba ang hatak. Siyempre, sila ang huli. At walang umuwi ng maaga bukod sa mga usual na grupo ng mga manong na manginginom sa Mayric's (na ipinagtataka ko lagi kung papaano silang napadpad sapagkat di sila mukhang rakers kahit nung kabataan). Unang bagsak pa lang ng gitara, kumakawala na ang ulo ng mga bata sa mga leeg nila. Ang isang grupo sa tabi animo'y umaalon-along buhok at ang mga babae sa kabilang dulo'y epileptic ang tama. Nakakatakot. Naalala ko bigla ang binabanggit ni Ken Kesey na Octopus sa concert ng Grateful Dead. Kapangyarihang nagmumula sa gitarang hawak at garalgal na boses. Sandamukal na katawan na di mo mapaghiwa-hiwalay at ang banda sa stage ang isang mapangahas na ulo.

Nagulat din ako na nakita ko ang isang kaklase ng high school. Si Bordeos. Pagkatapos batiin, saka ko lang naalala na drummer pala siya ng Kamikaze. Bitbit niya ang utol niya. Wala pa yatang 10 taon ang bata. Aba tinalo sina Goldie at Hannah.

At napag-uusapan na rin ang high school classmates, nakipagtagpo ako sa ilan pang high school classmates noong isang araw. Sa napakaingay at napakalamig na Pier One kami nagsalo-salo. Paalis kasi si Giannini at dalawang taong mamalagi sa Qatar bilang stewardess. Si Tabera'y med rep na. Si James ay guro na sa Mapua. Si Vernon, di ko na naka-usap. Si Valmadrid ay nasa Citibank sa Binondo. Si Jacquelyn ay may bagong trabaho. Si Pam ay nasa law school pa rin. Si Grace mukhang magbabakasyon sa States para bisitahin si Macky. Si Napoles, tumaba. Bakit ko ba iniisa-isa ito, di niyo naman sila kilala?

Oh wells, anyways. Sakit ko na nga talaga iyan. Ang magkuwento at pangalanan ang bawat isa na tila kilala niyo rin. Iginuguhit ko ang daigdig sa sariling pagkakakilala at pinipilit sa lahat ng kausap. Kaya ikaw, masanay ka na sa akin dahil wala akong balak magbago. Dapat ba?

Ernan at 3:02 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment