8.09.2003

August 13, 2003 || 12:53 am


Dapat mga lumang posts ito kaso tinamad ako. Ganito kalubha ang katamaran ko na maski pag blog e di matapos-tapos.




82 - 68. Ateneo astig!

Nabanggit ko na naman na hindi talaga ako nanonood ng basketball at faux fan lang ako. Aminado naman ako na Ateneo - La Salle games lang ang karaniwang pinapansin ko.

Pero astig pa rin. Mula first quarter tambak. Magdiwang!




Sanayan din pala ang pag channel surf. Isang skill ang panonood ng TV nang magdamag ng wala naman talagang gustong panoorin o inaabangan.

Siguro'y halos dalawang taon din kaming nawalan ng cable. Minsang magpull out ang Star channels sa Home Cable, binalak ko lumipat ng ibang cable company. Kaya naman pinaputol ko at sa pagitan ng ilang araw na walang cable, namihasa sa panonood ang mga magulang ko. Dahil iisa lang ang TV namin, noong mga araw ng cable ay hindi sila nakakapanood kasi kami ng mga utol ko ang laging may hawak ng remote. Ilang beses nang sinubukan na multiple TVs ngunit lagi lang silang naaasar kasi laging iisa ang pinapanood namin sa lahat ng TV at naaksayahan sila sa kuryente. Kaya't minabuti nilang itambak na lang sa bahay sa Pampanga.

Kaya nga heto, nang ipaputol ko ang cable saglit para ipalipat, naburyong kami ng utol ko sa local programming. At sa wakas, nahawakan din nila ang remote ng TV. Buong araw at buong gabi, ang mommy ko ang reyna ng TV. Nakapanood siya ng Eat Bulaga at K! The One Million Videoke Challenge. Ngunit higit sa lahat, nahatak na naman siya sa kabobohan ng mga telenovelas at sinumulan niyang subaybayan ang mga ito muli gaya ng kaniyang La Traidora days.

Nang tumawag ang kabilang cable channel para i-konpirma ang pagkakabit. Aba, walang pasabing kinansela ng nanay ko. Heto na nga't nalugmok kami sa cable-less state ng mga kapatid ko. Goodbye Star Movies, goodbye TV E, goodbye Hard Talk. Iyon pa naman yata ang mga panahon na binabalik ng Disney Channel ang The Wonder Years.

Ngunit itong nakaraang linggo, biglang gumulo ang signal namin. Ang pinakamahalaga, kahit hindi bumabagyo sa labas, bumabagyo sa loob ng TV. Kunot noo kang nanonood. Walang nagawa ang mga magulang ko kundi magpakabit ng cable dahil hindi na nila malaman kung napapatay na si Doña Dolores o nakakulong na ba ang ina ni Waldo. Telenovelas din pala ang dahilan ng pagbabalik ng cable.

Kaya heto, noong unang gabi, umuwi ako ng maaga at sumalampak sa harap ng TV. Ngunit hindi ko na kayang magchannel surf. Nalito ako sa dami ng channels. Palipat-lipat, ang gulu-gulo. Isasara ko na sana ang TV ngunit buti na lang napadaan ako sa Star World, Buffy the Vampire Slayer pala.

Ernan at 10:09 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment