6.29.2003

June 29, 2003 || 3:18 am


Nagkamali ako. Akala ko hindi mahusay ang CG sa Hulk ni Ang Lee. Hindi pala. Maganda at maayos ang effects.

Ngunit bukod doon, nakulangan ako sa pelikula. Masyado nitong sineryoso ang sarili nito. Maari ngang magandang talakayin ang psychological repercussions ni Bruce ngunit nagkulang ang script. Mas lumitaw pa at nabuo ang pagkatao ni Betty. Hindi rin naman kinakailangan ng lubos na drama sa bawat tagpo para maipalabas ang lalim ng loob. Lahat ng mga tagpong di action ay tila may inaabot na drama, hindi dramatic kundi drama. Ang mga tagpo'y tila isang biyolin na pilit binanat ang kuwerdas. Naghihintay lang ng isa pang ikot at mapuputol na. Sobra at malabnaw.

May narinig na akong merits at kapangitan ng editing. Ang hinihingi ko lang ay mas malalim na dahilan sa ganoong devise (dahil na rin naniniwala akong kaya niyang mas linangin ang style na higit sa mababaw). Naiinitindihan ko naman na napapalitaw ang "comics quality" sa ganoong edit ngunit heto lamang, nagbabasa ba ako ng comics? Hindi. Nanonood ako ng pelikula. Kapag ang libro ba'y isinalin mula sa nakasulat patungo sa pinilakang tabing, may mga chapter breaks ba? Wala. Bukod na lamang kung ito'y ginamit na style at tunay na nagpapalalim sa pelikula.

Lalo akong nanghinayang sa edit kasi may mga cut naman siyang nagamit niya ang style ng husto. Tulad na lamang sa bisita ni Atheon guy (nakalimutan ko ang pangalan) sa opisina nina Betty at Bruce at nang papaalis ay hinati niya ang screen sa tatlo, tig-iisa na close-up sa mga mata nila. Sa ilang segundo naipakita nito ang relasyon ng tatlo at ang nararamdaman ng bawat isa sa isa na higit pa sa usapan.

Ngunit ang iba at ang karamihan (lalo na ang ilan sa simula) ay nakadagdag sa lamang sa kaguluhan sa panonood. Eye candy, oo. Ngunit hindi nakatulong sa pag-iintindi ng manonood sa layon ng pelikula. Bagkus, nakahadlang pa.

Hindi rin nakatulong na wala kang maituturong "bad guy" o tunay na kalaban sa pelikula. Maganda ang hangarin ngunit pumalya ang script. Tuloy, pag labas mo ng sinehan ay lito ka at walang mahawakan. Tumalon na't kumawala ang Hulk.

Manood ka na lang Adaptation.




Ang hirap palang kumain sa labas kapag hindi ka kumakain ng karne ng baboy. Halos wala kang makainan.

Bigla kasi, isang gabi, kumakain ako ng siomai, at habang nginunguya at nginangasab, nararamdaman ko ang buo-buo at maliliit na parte ng giniling na baboy sa dila ko. Kakaiba ang lasa. Naisip ko na nalalasahan ko ay baboy. Baboy na buhay. Nanigas ang dila ko at nagsara ang lalamunan. Niluwa ko ang nanguyang siomai.

Kinabukasan, sinubukan ko ulit. Hinapunan ko'y inihaw na baboy. Masarap iyon. Lalo't may Mang Tomas. Ngunit isang subo lang at parang sinundot ang dila ko. Hindi ko makayanan ang lasa. Kakaiba. Ang pangit. Ang laswa.

Kaya hayan, ilang linggo na akong hindi kumakain ng baboy.

Senyales kaya ito na maging muslim, tinatawag ba ako ni Allah? Baka tulad ito ng maliwanag na araw ni St. Paul, o burning bush ni Moses, o mangingisda ni San Pedro.

Pero heto lang ang sigurado ako, hindi masarap ang baboy at mahirap maging vegetarian sa Pinas.




Sa mga taong interesado sa blogging community. Punta ka rito.

May ilang mga teoryang napapaloob na may kaunting diskusiyon.

Tama nga. Masarap siguro gawing thesis o case ang blog para sa Economics. Hanapan ng istruktura at paano nagsasalungat at nagkakabuhol ang bawat isang komunidad sa net.

Hindi ako makapaniwala, tila nami-miss ko yata ang Economics. Dapat akong mangilabot.

Ernan at 3:40 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment