5.09.2003
May 9, 2003 || 2:09 pmMga pabaon ng Galera:
Ilang bagong kakilala. 14 sugat at galos. Balik sa hilig magtanggal ng sapatos o tsinelas at manalampakan lang. Pagkabighani sa buhangin. Alaala ng mga bato, maliit at malaki. Pagsukat sa sarili sa kadugasan ng karagatan. Ang paglingkis saglit ng ilang buhay.
"The currently reigning archeological theory holds that writing as we know it began not as marks made on paper or skins, or even impressions made on soft clay with pointed sticks, but rather a set of clay tokens in the shapes of spheres, half spheres, cones, tetrahedrons, and—at a later date—doublecones (or biconoids), as well as other shapes, some with holes or lines inscribed on them, some without."
- S.L. Kermit, January 1981
Ang mga ganitong bagay ang hindi naituturo sa atin sa eskuwela. Lagi tayong nahuhuli.
Katuwang isipin na nagsimula ang pagsusulat sa isang tunay na panggagaya. Ang pagsubok na humulma ng mga bagay sa paligid, sa madaling paraan at maibubulsa. Mula roon ang pagsusulat na alam natin ay nangyari sa paggaya mula sa panggagayang ito. Hanggang mabura ng tuluyan. At lumabas ang isang sistema na mga letra. Na mawala ang panggagaya, at mailipat sa isang aktong cerebral (imbis na sa mismong biswal na pagsusulat). Sa paggamit ng mga metapora. Sa pagbuo ng mga tula.
Tinataya rin ng mga arkiyologo na bago magkaroon ng sariling alituntunin sa pagbibilang ang isang sibilisasyon, kinakailangan munang nailatag na ang isang sistema ng mga salita, isang wikang matatag at di madaling mabuway.
May mga naniniwala na ang Culhar text ang pinakamatandang naisulat na sadyang texto. Iyon bang alam ng nagsulat na itinatala niya ito para sa susunod na henerasyon, para sa mga ibang babasa.
Ang isa sa mga bersiyon ng pambungad:
"...the irregular roofing stones of the sunken buildings mold the waves from below into tokens so that passing sailors looking over their boat rails can read their presence."
Nakapanlalaki ng dibdib at sabihing kauri ko (tao) ang nagsulat niyon. Ang mga salitang unang natala ay tubog sa pag-iisip at imahen. Hindi kabalbalan o pang-uusig. Ngunit isang balangkas na nagsasabing mag-ingat sa kapuwa tao.
Ernan at 2:43 PM