5.29.2003

May 29, 2003 || 2:28 am


Mas malapit na pook, mas maiksing paghihintay, mas maayos na pagkakataon.




Minsan iniisip niyang tumayo, kumuha ng isang bag, ipagkasiya ang ilang mga gamit doon, lumabas at bigla na lang mawawala.

Walang pasabi, walang pamamaalam. Basta bigla na lang aalis.

Iiwan niya kung ano ang maiiwan. Iyon ay lahat maliban na lang sa mga gamit na isiniksik niya sa loob ng isang bag.

Iisipin niyang mag-aalala ang magulang kapag hindi siya umuwi sa gabing iyon. Kapag dalawa o tatlong araw na siyang nawala, magsisimula na itong maghanap at magtawag sa mga kakilala niya. Walang mahihinata ang mga magulang niya sa pagtatanong sapagkat hindi siya makikituloy sa mga kaibigan.

Kapag wala pa rin at di pa siya matagpuan, ipapasabi na sa pulis. Lilipas ang mga araw at di siya makikita.

Isa, dalawa o sampung taon. Masasanay na ang mga magulang niya, mga kaibigan, at mga dating kakilala na patay na siya. Itatago siguro nila ang isang litrato niya. Mapapangiti kapag nabanggit ang pangalan niya. Ipagdadasal siya tuwing Araw ng mga Patay.

Ngunit hindi siya patay. Tumayo lang siya isang araw at tinalikuran ang lahat. Napagod sa isang buhay at nagsimula ng panibago. Kung saanmang lugar, kahit saanmang lugar.

Siguro'y sumakay siya ng bapor at ngayo'y kumakanta para manlimos sa Londres. O umakyat ng bundok, umibig sa isang dilag at may apat na silang anak. O tumambay sa isang bar, nalamang magaling siyang makinig sa mga di kakilala, naging isang bartender at ngayon sinerbisyuhan ang buong mundo sa isang resort sa may Mindanao.

At isang araw, babalik siya sa pook na pinanggalingan niya. Uuwi siya ng may bagong pagtingin sa lahat. Susubukang ipagpatuloy ang pinatid na buhay. Maraming pagbabago ngunit handa siya sapagkat siya ma'y nagbago.

Mababasa ng mga nangungulilang magulang sa mata niya ang malalim na saya sa likod ng lungkot at hinaing. Uupo siya uli, ilalapag ang bag na dating bitbit (na talagang itinago para sa pagbabalik na ito), nakabalik na siya.

Minsan iniisip niyang umalis. Ngunit lagi siyang di makatayo at nadidikit ang puwit sa upuan. Alam niya kasing hindi madaling magtiklop ng buhay at pagkatapos ng mahabang panahon ay bubulatlatin uli. Hindi iyon tulad ng isang larawan ng kasintahan na itinklop at isinantabi sa kasuluk-sulukan ng wallet. Ngunit maski ang mga litrato'y nagkakaroon ng linya.

Ngunit hindi siya interesado sa mga linya o sa lamat o sa hinagpis na idudulot ng paglisan. Ang gusto niya'y ang pagbabalik. Ang tingin sa bagay sa ibang paraan. Ang resureksiyon. Ang mamatay at mabuhay. Nais niyang mawal't manumbalik sa sarili.

Ernan at 2:39 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment