5.25.2003

May 25, 2003 || 5:05 pm


Nakalimutan ko na ito—ang katahimikan matapos ang ulan.

Isang tahimik na nagtatago ng napakaraming sasabihin. Tila isang babaeng namamahinga sa kaniyang unang pagdadalantao. Ang pisngi'y nakaharap sa kinabukasan at ang palad ay hinihimas ang mabilog na tiyan at ang yapus-yapos nito sa loob.

Isang tahimik na yinayakap maski ang ingay. Ang tugtog ng radyo ng kapitbahay, ugong ng refrigerator, dumadaan na sasakyan sa kalye, kuwentuhan ng mga napadaang magkakaibagan, mga patak ng ulan na nasabit sa sanga-sanga't masinsin na dahon ng aksya't baliti.

Isang tahimik na busog sa sarili. Isang tahimik na ipinaghehele ka. Tinatalukbungan ka at ibinubulong, "Bagong hugas ang langit, huwag ka paka-alala. Pawi ang lahat ng uhaw, pati ang sa nagwawalang dagat at bitak na lupa. Magiging maayos ang lahat, ihimlay ang pagal na kalooban."

Ernan at 5:08 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment