5.22.2003

May 22, 2003 || 9:44 pm


Walang makakapagkaila na mahilig akong maglakad. Kapag nagpapasa nga ng resume isinasama ko sa interests ang hiking. Pero hindi naman kinakailangan na pumunta pa ako ng bundok para maglakad. Ang totoo'y kahit saan puwede na kapag nagsimula na ang udyok ng paa. Mas maganda kasing pakinggan ang hiking kaysa sa walking.

Kahit saan naglalakad ako at wala ring pinipiling oras. Kahit madaling araw, kataasan ng araw, bumabagyo at kahit kinaumagahan ng bagong taon at puno pa ang kalye ng mga pabalat ng paputok, maglalakad ako.

Kapag kasama mo ako, malamang sa malamang, hahatakin kita maglakad imbis na magkotse. Iyan na nga ang kadalasang inirereklamo ng mga kaibigan at katrabaho. Sa Abs dati'y pinipilit ko silang maglakad para pumunta sa pagkakainan ng lunch kahit tanghaling tapat, kahit naka high heels ang mga babae, kahit nakapormal. Makikita mo kami sa Timog, gutom at init na init, naglalakad kahit napakaraming bakanteng trike o pedicab o taxi. Si Rojan nga pinaglakad ko sa kahabaan ng Recto kahit umaambon. Kinabukasan, nilagnat siya.

Nakapagbabawas ng bugnot ang paglalakad. Kadalasan, kapag walang magawa, susugod ako sa puso ng Sampaloc at maglalakad-lakad sa mga kalye doon. Binabaybay ko mula UST hanggang Recto hanggang Quiapo. Dati sa V ay mas gusto kong lakarin ang kahabaan ng Leviste patungong Alta Productions.

Ang udyok ng paa'y kailangan kong sundin. Galing ng Power Plant sa Rockwell, bumili ng dalawang mansanas, at nilakad ko na hanggang Brash Young Cinema sa may Esteban Street sa may Salcedo Village. O ang lagiang paglalakad mula Recto hanggang bahay, bibili ng chicharong bulaklak sa Lapid's at mamantakan papauwi. O ang pagbaba na pagapang sa bundok ng Banahaw nang ginabi kami at walang dalang flashlight. O ang pagiikut-ikot sa Madapdap Resettlement. O ang gabihang paglalakad sa Baguio mula sa hotel sa Loakan hanggang Session Road. Marami pang ibang lakaran at sigurado akong marami pang kasunod.

Pinapakalma ako ng paglalakad. Paraan ko ito ng pakikisabay sa buhay. Kapag may kinakailangang isipin, dinadaan ko sa paglalakad. Hindi paroo't parito sa loob ng isang kuwarto ngunit pasikut-sikot na paglalakad-lakad sa mga kalye ng Maynila.

Mas nakikilala rin ang lugar sa paglalakad. Iba ang paningin sa hulagpos ng kotse kaysa kapag naglalakad. Payak ang paningin at lapat ang apak sa mga kalye ng paligid. Hindi mo pa kilala ang isang lugar hangga't hindi mo pa ito nilalakad. Iyan ang paniniwala ko. May pagkilala ang paa na kaiba sa pagkilala ng tingin.

Ernan at 9:52 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment