5.12.2003
May 12, 2003 || 12:07 pmSa bahay, halos lahat payat pero makakapal ang balat namin. Dapat lang kasi buong araw at buong gabi, mula paggising at kahit natutulog ka, inaasar ka. Kadalasan nauuwi ito sa bulyawan at lagi sa tawanan. Ang umiyak ay pikon at ang sumigaw ay talo. Ang tamang sagot sa pangaasar ay pangaasar din o kaya, simple, huwag mo pansinin.
Kaya mahirap kapag bumabiyahe at nakukulong kaming magkakapatid sa kotse. Dahil walang magawa, bumabaling kami lalo sa isa't isa. Turuan at ungkatan ng mga sala, kantiyawan, pagkain at tubig, paghilig sa katabi at style para makakuha ng mas malaking puwesto—lahat iyan pinagmumulan ng gulo. Natatahimik lang kami kapag tulog lahat o kapag narindi ang magulang at papagalitan kami. Ngunit kahit mapagalitan, tuloy pa rin. Magbubulungan, magbabanta, sikuhan, kahit ano basta tahimik at di makikita o maririnig ng ama't inang nasa harapan.
Ngunit may mga tagpong nagkakasundo kami. At kapag nasa kotse, siguradong pakikinig ng musika iyon. Hindi naman lahat dahil lagi namang may patugtog. Kundi radyo o mga CD na bitbit. Pero may natitiyempuhang kanta na kabod kaming kumakalma, kusang hihinto sa pagkukuwento at girian. At on cue, sasabay sa kanta. Para bang Tiny Dancer moment sa Almost Famous. Kapag ganoon, maayos ang buhay at payapa.
Hindi naman madalas ang mga ganitong tagpo ngunit pasasalamat na dumarating. Tulad na lamang sa pagalpas sa trapik sa North Expressway noong nakaraang Mahal na Araw at kasagsagan ng pagod at mababa ang pasensiya naming lahat, narinig namin si Fiona Apple na kinakanta ang "Across the Universe". At kahit mali-mali ang lyrics, sabay-sabay kaming umawit. Jai guru deva om. Mga katagang di maintindihan ngunit panaboy ng alitan. O ang "Leaving on a Jet Plane" ng Peter, Paul and Mary noong Sabado habang patungong Enchanted Kingdom. Na kahit na ang ama koy nakikanta.
Iba talaga ang nagagawa ng musika. Himig nito'y hangin sa nagkakainitang kalooban. Kahit panandalian lang.
Ernan at 12:33 PM