4.19.2003

April 19, 2003 || 3:01 pm


Sabado de Gloria at katulad ng nakasanayan nasa Pampanga kami.

Nakalakihan ko na ang mga rituales na pinagkakamanghaan pala ng marami. Dalawang barangay lang ang layo at 10 minuto kung lalakarin ang Brgy. Cutod sa matandang bahay ng lola ko sa San Fernando. Ang Cutod ang puso ng mga kaganapan sa Mahal na Araw.

Dito makikita ang napakaraming mandarame kung tawagin namin. Mga flagellants. Mga mama (at manaka-nakang ale) na may talukbong sa ulo ng kulay dugo, kadalasa'y may koronang tinik, masigasig na pinapalo ang likod ng katawan ng puno ng saging (minsan lubid), at naglalakad sa 13 istasyon na ikinalat sa buong distrito. Mga nagpepenitensya. Mga makasalanang nagsisisi o nakakakita ng himala't nangako.

Ang paniniwala naming mga magpipinsan o panakot ng matatanda, ang dugong tumatalsik mula sa kanilang likuran ay mga kasalanan na natatanggal sa kanila. At kung sino man ang dapuan nito'y, malilipat sa kaniya ang kasalanan.

Isipin na lang ang takot namin. Bukod sa kakaiba nilang anyo (sinong bata ang di matatakot sa mga mamang may takip ang mukha, dumudugo at may dalang pamalo?), kapag lumapit ka'y maari ka pang mapuntang impiyerno. Sapagkat ang tingin nami'y sobrang makasalan ang mga taong ito, mga mamatay-tao, magnanakaw, rapist, at kung ano pa. Sobra silang makasalan at di sila puwedeng pumasok o tumapak man lang sa loob ng simbahan o kahit kapilya man lang. Malay ba naman namin na ang mga iyon pala ang pinagbibilhan namin ng tubo o ang tito ng kasama naming nanunungkit ng santol sa Bacolor?

Sa Cutod din ang may tala ng pinakamaraming pagpapapako. Umaga pa lang, abala na ang lahat. Kailangan muna kasing buhatin ng mga nagpapapako ang krus ng mga isa o dalawang kilometro. Hindi biru-biro ang krus, mabigat ito at kadalasan may mga alalay ang mga kristu-kristo dahil di lamang sila miminsan bumibigay. Kapag planado, mayroon din siyang Santa Veronica na magpupunas ng kanyang mukha. Mainit ang araw at diretso ang tama kasi bukid ang pinaglalakaran mo. Walang masisilungan ang mga nagbubuhat.

Hanggang sa ipako sila sa krus. Ang iba'y itinatali lamang. Ang karamiha'y mas matapang. Butas ang palad at nagpapatagalan pa sa itaas ng krus. Pagsapit ng Biyernes Santo, hindi lang isa o tatlo ang masasaksihan mong nagpapapako. Aabot ng bente. Sunod-sunod. Halos bawat sampung minuto, may pinapakong Hesus.

At buong araw, walang tigil ang mga matatanda sa pagkanta ng Pasyon. Bente kuwatro oras. Hindi ka makaliligtas sapagkat bawat kanto ay may Pasyon. May mga loud speaker pa sa labas ang iba. Iba-ibang melody, iba-ibang tinig. Minsan, binibisita naming mga magpipinsan ang mga kumakanta. Nakikiinom ng salabat at nakikikain ng puto. Minsan, sumusubok din. Ngunit dadalawa lang sa amin ang natuto ng tamang pagkanta. Kung mahirap kantahin, mas mahirap pang basahin sapagkat nasa Capampangan ang teksto. Matandang Capampangan pa. Puno ng mga letrang q at c na di mo na maintindihan.

Bawal pa nga palang magkasugat sapagkat ang kasabiha'y di na ito gagaling. Hinay naman kami sa pagbibisikleta at pag-akyat ng puno. Ang isa pa'y nagbababad kami sa swimming pool bago sumapit ang alas tres ng Biyernes Santo. Kapag tumuntong na kasi sa oras na iyon, bawal nang maligo. Patay na si Hesus ng oras na iyon at patay na rin ang tubig. Bago pa man pumatak ang alas tres, tinatawag na kami sa loob. Kulubot ang mga balat, naninigas ang buhok sa chlorine, mga basang sisiw kaming ikinukulong sa loob ng kuwarto at pinapanood sa amin ang Ten Commandments at Ben-Hur. Sa paglaki ko lang nalaman na iyon pala ang paraan nila para di kami mag-ingay. Bawal din kasi ang maingay at maharot, patay kasi si Hesus.

Taun-taon ko nang tinanggap na namamatay si Jesus Christ. Taun-taon ko nang tinanggap na pag patay ka para kang natutulog, ayaw mo ng maingay. Taun-taon ko nang tinanggap na maraming may idol kay Jesus Christ at ginagaya siya pati pagpapapako niya. Taun-taon na rin naming nakagawian na sumugod sa bumper to bumper trapik sa North Expressway, hindi indahin ang init, at umuwi sa Pampanga para makasama ang kamag-anak. Dahil nga patay si Jesus Christ.

Ernan at 4:22 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment