4.15.2003
April 15, 2003 || 11:08 pmNgayon sinasabing bagsak na ang rehimeng Saddam sa Iraq. Nanalo na si Bush. Ngunit isang tanong, nasaan na ang sinasabing itinatagong mga armas ng Iraq?
Hindi ba dapat iyon ang inuna nilang hanapin? Hindi ba at may sinasabi pa silang intelligence reports kung nasaan ang mga iyon? Hindi ba at may ipinresenta pa silang recorded audio na nagpapatunay na may mga armas?
Ngunit heto't sira-sira na ang Baghdad, walang lumabas na kahit anong armas nukleyar.
Sa tuwa ng Amerika, maalala pa kaya nila ang dahilan ng kanilang pagatake. Mukhang lumalabas na dahilan nga lang talaga ang mga armas.
Kailan kaya mabubunyag ang mga armas?
Ilang araw pa ba ang kinakailangan ni Bush para makapag set-up ng mga dummy warehouses na pinagtataguan ng sinasabi niyang "weapons of mass destruction" na itinatago ng Iraq?
Nakapanlulumo ang init ng araw nitong mga nagdaang araw. Maglakad ka lang ng isang kanto at mararamdaman mong tinutusta ang pisngi at batok mo. Pagkaligo mo at hindi pa tuyo ang balat, namumuo na sa ilalim ang pawis.
Kaya't kahit ako'y tinatamad maglakad.
Mataas at matingkad ng araw kahit alas nuwebe ng umaga. Maski ang mga gabi'y di nagdudulot ng lamig. Laging tuyo ang kalsada at kita mong naglilipad ang alikabok.
Sobra ang liwanag at pagpasok mo sa loob ay nangingitim ang paningin mo.
Ganitong mga araw, ang sarap lang humilata at paypayan ang sarili ng abaniko. Kapag dating ng hapon ay bibili ng halo-halo at matakam sa namamawis sa lamig na baso.
Maaring maputol ang mainit na panahon. Sinasabing may sigwa na darating kasabay ng Semana Santa. Paparating ang isang bagyo. Paparating. Napaaga ang unang ulan ng Mayo.
Ernan at 11:15 PM