3.04.2003

March 4, 2003 || 5:59 pm


Buong araw ng nakaraang Linggo'y nasa isang bukid ako sa Concepcion, Tarlac. Family reunion at, gaya ng nakasanayan ko, nagmukmok lang ako sa isang tabi kasama ng pamangkin ko. Buti na lang at hinatak ako ng pamangkin ko sa kung saan-saan.

Katulad ko ang pamangkin ko, dadalawang taon pa lang pero mahilig nang gumala. Hindi pa nga nagkakainitan sa kuwentuhan at for old time's sake ang mga matatanda'y humahaba na ang hintuturo niya sa pagturo sa mga lugar na gustong puntahan.

Laking siyudad ang bata kaya't galak na galak sa palay. Hindi siya masawa sa paghagod ng lawak nito at panonood sa sabayang pagsayaw sa hangin. Unang beses din niyang makakita ng tutubi. Nanlaki ang mata niya at tumigil sa daan sa takot na maitaboy ito. Natakot naman siya sa mga paru-paro at hindi niya ito mahabol sa tingin dahil sa bilis nito. Napagod din siya sa paghahabol sa mga manok. Una'y takot siya ngunit natutunan din niya kaagad na takot ang mga tao sa manok. Kahit ang mga tandang. Kahit malakas ang tiktilaok nila. Ngunit hindi siya natakot lapitan ang baka. Kahit na ng muntik siyang sipain. Papaalis na kami sa bakod ng baka'y kumakaway pa ito at nagbababay sa moo.

Nakakaiinggit ang pamangkin ko. Hindi siya magkamayaw sa tuwa. Ako nama'y nabubugnot. Tama nga ang nagbanggit na minsan lang natin dinadama ang mundo at ang buong bahay natin ay paghahanap at pag-aalala sa minsan na 'yun.

Kapag laki kaya'y maalala niya ang araw na ito sa isang bukid na pinagtubuan ng laksang tuwa? Kung sa bagay, nandito naman ako para ipaalala sa kaniya.

Ernan at 6:16 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment