3.27.2003
March 27, 2003 || 11:11 amWomen are flirts. Men are pigs. In-between them, somehow, underneath lust, is love.
We are easy to please. Lace panties. Good mornings. A flash of thigh. A smiley with a heart icon signifying nothing. Bare breasts. A sleeping figure.
It is always the same mire. I give up.
Papunta siyang Shangri-La nang una niyang makita ang asul at puting pinta sa mga pader sa kalye. Naisip niya, parang mga kaliskis. Tinapal-tapal na pintura. Napansin niyang isang bahagi lang ng pader. Wala pang kalahati o kapat. Napansin niyang nawala ang mga graffiti. Ang mga naka-titik na slogan ng maruming pula. Gloria tuta ng kano. Ibagsak ang imperiyalismo. Erap.
Tinapalan ang mga sentimeyentong iyon ng makukulay na kaliskis. Saka niya nalaman na ang tawag pala doo'y MMDA art. Paglilinis ng lansangan.
Kasasakay lang niya ng jeep biyaheng Fairview nang pinara ito ng traffic enforcers. Sa likod siya ng driver nakasakay at kita niya kung paanong kinuha nito ang wallet. Paglapit ng pulis trapiko binulatlat ng driver ang wallet at nagkunyaring hinahanap ang lisensiya. Tumamba sa pulis ang pera na laman ng wallet. "Lisensya lang. Hanggang Delta na lang ang biyahe mo tapos sundan mo kami papuntang LTO."
Bumaba siya ng jeep. Naniniwala pa rin siya sa kabutihan.
Inanunsiyo na nung dalawang linggo nang nakaraan ang mga sagabal sa sidewalk sa pamamagitan ng mga posters. "Sagabal sa sidewalk. Danger. By order of MMDA." Nabasa niya ang mapulang bati. Akala niya noong una'y slogan. Nakapaskil sa isang pader. Sa puno. Sa halamanan. Sa namuong semento. Sa signage ng Mr. Poon. Sa nakaharang sa sidewalk. Pagpapatunay sa sidewalk is for pedestrians. Naalala niya ang balitang sinunog ang mga illegal na nagtitinda na nakaharang sa kalye ng Commonwealth.
Kanina, naglalakad siya papasok ng opisina at narinig ang ingay ng trak. May dinidistrunka. May hinihila. May hinuhukay. Tinignan niya, wala na ang sign ng Mr. Poon. Mas maluwag ang sidewalk. Binawi ng MMDA. May malalakaran na.
Natutuwa siya ngayon. May mga tao pa rin palang nasa gobiyerno na may ginagawa. Nagpapasalamat siya.
5:55 pm
Naranasan mo na bang luminga sa paligid mo at di mo ito makilala? Nagtataka ka kung bakit naririto ka? Kung anong ginagawa mo?
Naramdaman mo na bang makulong ng pagkakataon? Na naisin lansagin ang buhay at talikuran ang lahat?
Hindi ito ang nais mong gawin. Nakikita mo ang mga kasama at ayaw mong maging katulad nila. Para kang isda sa lupa na kumikislot-kislot sa loob. Sumisikip ang mundo at di ka makahinga o nalulula ka sa kalawakan. Walang pagkakaiba. Tila wala kang magagawa.
Hindi mo na makakayanan. Hinihintay mo na lang na bumigay ka.
Ernan at 11:46 AM