3.24.2003
March 23, 2003 || 11:42 pmTumatakbo ng nobenta ang sasakyan at sinisilip ko ang scenery sa labas. Nagdaan na kami ng Tarlac at nasa bukana na ng Pangasinan.
Palayan at plantasyo ng tabako sa magkabilang gilid. Kamalig, patuyuan, bahay na pawid, mga mamang namamahinga sa init ng araw, batang halos hubo na naglalaro, ang di ko kilalang bundok sa likod. Tumakbo ang isipan at inisip kung paano at dito ako lumaki. Sa probinsya at walang ibang inaasahan kundi ang ani. Ganito pa rin kaya ang mga pangangailangan ko?
Computer, concepts, pag-iisip kung saan kakain ng lunch, panonood ng sine, ng TV, pamimili ng DVD, pagbabasa. Iyan ang katotohanan ko. Malayong malayo sa kilala ng mga taga-Carmen, Pangasinan. Hindi ko sila kilala at iba sila sa akin. Ilang milya lang ang layo nila sa'kin, iisang isla lang ang tinutuntungan.
Sa pagdaan, tinitigan ko ang mukha ng isang nakaabang sa daanan. Kamukha siya ng dating kapitbahay. Nagpakalayu-layo pa ako at ilang hakbang lang pala sa labas ng bahay, may mga taong ibang-iba ang katotohanan sa'kin. Sa tapat ng Sto. Domingo, ang mga tindera. Ang pagtulog sa bangketa, ang pagbubukas ng 4am, ang pagkain sa plastik, ang magasin, ang candy. Iyan ang katotohanan nila.
Wala pang isang kilometro per hora ang lakad ko tuwing nadadaanan ko sila, at hindi ko sila napapansin. Minsan, kinakailangang tumakbo ng matulin para makarating sa pinakamalapit.
Ernan at 12:22 AM