3.22.2003
March 22, 2003 || 5:57 pmGaano katagal mang di magkita, nakatutuwang isipin na may mga bagay pa ring di nagbabago. Tulad ng ugali ng mga kaibigan. Na maaring maganda o hindi ngunit nakasanayan na at natanggap sa paglipas ng panahon.
At tulad ng isang bundok sa nawawalang manlalakbay, ang mga di nagbabagong ugaling yaon ang nagsisilbing landmark at signos na siya pa rin ang nakilala mo ilang taon na ang nakaraan. Magbago man ang pagbibihis niya, ang gupit ng buhok. Kung ngayon ma'y naka-make up na siya at iba na ang interes. Nananatili ang mga pag-uugali na nagpapakalma sa iyong kalooban. Mas madaling hanapin kung saan ka nakasiksik sa kalooban niya dahil nabigyan ka ng mahahawakan.
Hawak niya ng dalawang palad ang isang papercup ng tsa. Sinasapo ang init kahit maalinsangan ang gabi. Masarap ang pakiramdam sa balat ng init. Saka niya narinig ang tanong. "Hindi ka masaya sa trabaho mo. Hindi naman kalakihan ng suweldo mo. E ano ang perks ng ABS?"
Napatingin siya malayo at nakita sa may labas ng Cafe Havana si Rachel Lobangco at sinabi niyang, "bukod makita si Heart, wala. Hindi. Wala." Napatawa siya.
Sa gilid ng isipan, tumakbo ang alaala ng kabataan niya. Ang kuwaderno na pinupuno ng autograph. Mula kina Lotlot de Leon hanggang Palito. Bata pa lang nasanay na siyang makakita ng artista. Lagi kasing pinagshushootingan ang apartment na tinirhan niya. Pag-uwi galing eskuwela, nakikisama siya sa mga kalaro na nakikimiron. Tangan sa dalawang palad ang kuwaderno at bolpen. Lalapitan si Nova Villa at magpapapirma. Paramihan at bidahan.
Nakamulatan niya ang likod ng puting tabing. Nakilala niya na maliit pala ang mga tinitingalang artista. Nakita niyang sumusuka sa likod ng isang trak si Dranreb Belleza. Inilalayan niyang maglakad si FPJ dahil sa sobrang kalasingan. Dose anyos pa lang siya, nasukat na niya ang sarili at mas matangkad siya kaysa kay Nora Aunor. Natutunan niyang sukatin ang tao sa kakayahan nito at di sa katanyagan. Kadalasan.
At nang katorse anyos siya, nawala ang kuwaderno. Hindi na niya hinanap pa.
Ngayong gabi, maalinsangan at walang hangin. Sa gilid ng kaniyang mata nakitang dumaan si Raymond Bagatsing. Napailing siya. Ngumiti sa kaharap na nagtatanong. Inulit ang nasabi na. "Wala." Hinipitan ang paghawak sa mainit na papercup at uminom ng mainit na tsa.
Ernan at 6:01 PM