3.17.2003
March 17, 2003 || 10:58 amMasasabi ko na rin sa wakas na napanood ko na at nabasa ang The English Patient. Maganda ang libro tulad ng pelikula. Pamantayan ko ang pelikula kasi mas nauna kong napanood kaysa mabasa.
Tatlo pa lang ang nagandahan ako sa libro at pelikula. Ang The English Patient, High Fidelity at Lord of the Rings. Lahat sila hindi naging tapat sa libro. Ngunit maganda ang labas. Magandang maganda.
Ang The English Patient ay pag-ibig sa gitna ng kalawakan ng disyerto. Ang High Fidelity ay pag-ibig sa gitna ng kalawakan ng pop music. Ang Lord of the Rings ay pag-ibig sa gitna ng kalawakan ng ibang mundo, giyera at pagbabago. Akong mambabasa ay pag-ibig sa gitna ng kalawakan ng napakaraming salita, tiwala na dadalhin ako at may mararating. Isang villa sa Italya, isang shop sa London, isang templo sa Mordor.
Tuwing nakikita ang mga Komatsu na generator sa compound ng ABS-CBN naalala ang tula ni Ma'm Beni. Ang Komatsu buldoser. Kumintal na sa utak ang imahen ng tula. Habang panahon nang naghuhukay ang Komatsu buldoser sa Katipunan ng isipan.
Ang kapritsuhan ng alaala. Ang tatak ng Komatsu buldoser ngunit ang dahan-dahang paglaho ng mukha mo sa isipan. Natatakot ako sa araw na hindi na mahinuha ang liwanag ng mata mo. Ngayon pa lang, nahihirapan na akong pakinggan ang timbre ng boses mo. Kailan tayo uli magkikita?
Isa pang takot. Giyera. Ayokong makaranas ng giyera, anong panahon man ng buhay ko. Hindi na natuto. Minsan nga naiisip ko na dapat magiyera ang Amerika sa mismong lupain nila. Para maranasan naman nila ng harapan ang laging ginigiit sa mundo. Ipagduldulan sa mukha. Dalawang torre palang ang bumagsak di na sila magkandaugaga.
At sa Iraq, may mga kanluraning naghahanda ng sarili. Oras na pumutok ang unang baril ng giyera, ipananangga nila ang mga katawan para sa mga walang malay. Pupunit ang bala sa mapuputi nilang katawan. Hindi raw sila niloloko ni Saddam. Hindi raw sila bayaran. Pinuputa nila ang katawan para sa isang ideya, kapayapaan.
Ernan at 11:21 AM