3.14.2003
March 14, 2003 || 11:00 pmPuta inggit ako kay Steph!
Nahikayat tuloy akong ilabas ang mga naipon, tipunin ang mga gamit, at magalsa-balutan. Ngayon din mangibang-bayan at makipagsapalaran, mapabilang sa napakaraming kutong Pinoy na nagkalat sa kung saan-saang lupalop.
Buong buhay ko Quezon City lang ang kinikilala kong bahay. Ang inuuwian kapag pagod, ang tinutuluyan kapag may sakit. Ang pinakamatagal sigurong panahon na nawalay ako sa pamilya ko'y mga 3 buwan lang. Kapag bakasyon. Ngunit sa lolo't lola ko naman ang tungo ko. Kung talagang walang kasamang kapamilya, dalawang linggo. Noong Baguio workshop at lampas bente anyos na ako noon.
Ilang beses ko nang naisip na bumukod sa pamilya pero hindi ko magawa. Sa maraming rason. Nariyan na ang mas praktikal kasi walang gastusin kapag sa bahay nakatira. Ngunit ang totoo, hindi ko kaya. Natatakot ako sa buhay na mag-isa. Iyong wala kang kakuwentuhan kapag uwi. Iyong walang mangangamusta paminsan-minsan. O maghahainng pagkain kahit ala-una at kalagitnaan ng gabi. Walang kukuha ng temperatura mo para siguradong hindi ka pa tinatrankaso.
Sa madaling sabi, hindi ko kayang mawalay sa pamilya ko. Ako na hindi nagpapaalam kapag aalis at minsan di umuuwi ng dalawa o tatlong araw. Na kadalasan di mapirme sa bahay at wala mang lakad ay mangangapitbahay buong araw at buong gabi. Hindi ko kaya. Nakatali yata ang bayag ko sa isa sa mga poste sa bahay.
Kaya kahit gaano man kalaki ang ngiti ni Steph sa picture, hindi ko kayang makipagsapalaran sa ibang bansa. Sorry na lang at di ko maiwan ang pamilya. Lumipat na nga lang sa bahay sa kabilang kanto hindi ko pa magawa, kabilang kontinente pa kaya.
Teka, ano bang pinagsasabi kong mamuhay sa ibang bansa. Puwede nga palang magbakasyon lang saglit at bumisita. Putsa, tara na sa Brazil!
Ernan at 11:07 PM