3.13.2003

March 13, 2003 || 6:05 pm


May siklo ako ng pagkakagusto sa sarili.

Pinaka-confident ako sa umaga. Lalo na kapag bagong gising. Masarap ang ngiti na nakaharap sa akin kung nagsisipilyo. Sa mga 15 minutos pagkagising ko, tila pinapa-ikot ko ang mundo sa palad ko. Pagkatapos nun, kapag nagsimula nang kumarera ang mga gawain, wala na. Makakalimutan ko na ang sarili at lulunurin na ng araw-araw. Maalala ko lang ito kapag kumakalam ang tiyan, nangangalabit ang ihi, mga bodily functions.

Sa pagdilim ng paligid, patda ang katawan ko. Ngunit sa biyahe pauwi, bumabiyahe rin ang isipan ko. Isa-isa nang hihimayin ang nangyari sa araw, tatalun-talon sa mga plano at balak, gagala at sasaglit sa mga bagay sa paligid. Bubuhos ang pagkilala sa sarili. Dito na magsisimula ang self-pity. Hindi naman. Masyadong malakas iyon. Mas tama yatang sabihin na kalungkutan sa sarili, pagkadismaya.

Sa paghihimay, nalilimas din ang self-confidence. Lumalaki ang mga mali at mga dapat sana at lumiliit ang ako. Ito na ang tema hanggang sa gabi. Hanggang sa bago matulog. Idagdag pa ang kalituhan at mga pagrebyu sa mga pagkakataong wala kang magagawa. Sa mga oras na ito, pababayaan ko lang bumuhos ang lahat. Ng sisi. Ng Ng hinaing. Pakikiramdaman bawat pintig ng lungkot. Ang lamig sa puwang ng tulo ng ulan. Ang dilim sa gitna ng bituin. Ang higpit bago ang tulog. At pangarap. At muling pagkagising.




Ngunit paminsan-minsan, kahit sumasabak sa araw-araw na gawain, natitigilan ako. Napapansin ko ang isang partikular na bagay o pumupukol ang isang ideya. Matitigilan ako sa kagandahan ng kung ano man iyon.

Gaya na lang ng mga puno sa Second Engineering District sa tapat ng GMA sa may EDSA. Kinawayan nila ako't tinawag mula sa pagkakatayo ko sa istasyon ng MRT. Iniharap nila sa akin ang ganda ng mundo at nakilala ko muli ang sarili ko. Ang pagkiskisan nila ng mga dahon ay nag-ayos sa lumalabong mundo. Ika nga ni Mary Oliver, "over and over announcing your place / in the family of things."

Bigla, minahal ko ang mga puno. Naiisip ko si Celia ngayon at ang pagmamahal niya sa mga puno. Malulungkot ako kapag may nakita o nabalitaan akong may nabuwag na puno.

Sana mas dumalas-dalas ang ganitong mga pagbati sa akin ng buhay.

Ernan at 6:40 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment