2.28.2003
February 28, 2003 || 2:48 amHuling araw na ng Pebrero at papatak na ang buwan ng kapanganakan ko.
Hindi ko naman talaga pinakakaabangan ang bertdey ko. Ni hindi ko nga ipinapaalam sa ibang tao. Nariyan na ang pag-iba sa application forms ng birthdate ko, ang pag-celebrate sa iba't ibang date. Hanggang ngayon pa rin ata, kapag tinanong mo ang mga kabarkada ko sa kolehiyo kung kailan ang bertdey ko, kamot sa ulo lang ang maisasagot nila.
Ang nakasanayan ko, ang mag-celebrate kasabay ni Mely. Para tipid. Ang dami kasing gutom na kaibigan sa mundo at kailangang pakainin. Nagulat nga ako at kamakailan ay nag-text si Mely na sabay daw ulit kami.
Ang hindi niya alam, ilang taon na rin akong hindi nagse-celebrate ng bertdey. Hindi nanlilibre, wala ring pakain sa bahay. Mas gusto ko nga ang simpleng bertdey. Kapag sinabi kong simple, ibig sabihin ko, walang selebrasyon. Kahit papansit man lang sa bahay, wala. Isang ordinaryong araw na lilipas din.
Ngunit ngayon, may namumuong plano.
Binabalak ko na simulang basahin ang sinasabi nilang the best book of the last century, ang Ulysses ni James Joyce, pagsapit ng kaarawan ko. Hindi lang pagsapit ng araw kundi pagsapit ng mismong oras, bubuksan ko ang libro at babasahin ang unang salita.
Hindi ko alam kung bakit may ganitong importansiya ang aktong ito sa akin? Siguro kasi nahikayat ako ni Ben Santos. Nang umalis siya sa Pilipinas papuntang Amerika, ito lang ang bitbit niyang libro.
May kalakip na hamon ito sa'kin. Hindi lang sa kapal ng libro ngunit sa hirap na rin daw intindihin. Batay nga sa ibang likha ni Joyce, magaling siyang gumamit ng wika at kung anu-ano ang naitatago niya at ipinapalabas sa pamamagitan ng mga salita.
Siguro'y pag-amin na rin ito sa papasulong na edad at simulang seryosohin ang mga bagay-bagay. Dapat hindi lagi-laging katulad ni Ulysses na palibot-libot at dinadala-dala ng alon.
Ernan at 2:56 AM