2.20.2003
February 20, 2003 || 5:23 pmNoong isang linggo, naglalakad ako sa may Katipunan at di inaasahang makasalubong si Arianne. Dati naming kalaro si Arianne sa Dungeons and Dragons. Half-elven ranger siya at walang magawa sa buhay kaya nakitambay sa amin kahit alas-onse ang simula ng mga laro hanggang kinabukasan ng madaling araw.
Ang bati ko sa kaniya'y pagkagulat at di yata sinaloob ang pagiging ranger at ngayo'y mahaba ang buhok at mukhang ilang araw na di sinuklay. Ang galing naman ngbati niya at hindi pagpuna sa ikli ng buhok ko ang salubong niya kundi, "Hindi ka naka-white shoes." Napangiti na lang ako.
May mga bagay nga naman talaga na naikukunekta mo sa mga tao. Na kahit siguro magbago ang hitsura o mabura ang mukha sa alaala, buo at makinang pa rin ang bagay na 'yun. At doon mo siya maalala. Tulad na lamang ng bigote ni Chaplin o sa mas personal na aspeto ko, ang dilaw na bag ni Rex noong Grade 5, ang mga one solid dark color shirts ni Etta, ang payong ni PJo (kahit di naman talaga kami magkakilala at kahit di na niya bitbit). Hindi ko lubos maisip na ako'y mayroon din palang distinct object. White shoes.
Na lagi nang ugat ng tawanan sa V. Si Cong. White Plains at si Mr. White Shoes. Na bigay pa sa akin ng tito ko. Na isinusuot ko kapag tinatamad magmedyas. Na siguro'y ang pinakalagi kong nililinis na sapatos sapagkat puti. Na iniisip kong puwedeng tap dancing shoes dahil maganda ang lapat sa sahig at ang kasunod nitong pak.
Hayaan niyo't kahit uugud-ugod na ako at nasa tumba-tumba, white shoes pa rin ang isusuot ko. Para kahit mawala man ako o makakita kayo ng white shoes sa SM na walang bumibili, magunita niyo ako, maisip akong suot-suot ang white shoes at sintunadong kumakanta. May iiwan akong legacy.
Ernan at 5:43 PM