2.17.2003

February 16, 2003 || 11:14 pm


Pinagpaliban ko ang lahat ngayong araw at hinarap ang tambak ng damit na nakakalat sa kabahayan. Pito kami sa bahay at hindi biro ang dami ng damit namin.

Ang tatay ko'y biglaang namimili ng kung ilang damit, hindi lang para sa kaniya ngunit sa lahat na rin. Nandiyan na ang tawag niya sa telepono para alamin ang waist line ko (para namang nagbabago) o kung anong size ng damit ni Mai Mai o kung may blue na polo na ba si Ervin. Sigurado, paguwi niya may sankaterbang plastik bag at isa-isa kaming pasusukatin ng pinamili niya, sa ayaw mo man o sa gusto. Buti na lang at hindi naman niya ipinipilit sa amin na suotin iyon kapag lumalabas kami, hanggang sukat lang para tignan kung sakto o hindi. Para reference sa susunod niyang bibilhin sa amin.

Ang nanay ko nama'y may sandamakmak na bestida at blusa ngunit iilan lang ang ginagamit. Napakarami tuloy na naninilaw at inaalikabok. Ang dahilan niya'y di naman daw siya laging umaalis ng bahay kaya di niya magamit-gamit lahat. Ngunit hatakin mo man siya'y di sasama. Ni ayaw ngang manood ng sine, ang sabi'y hihintayin na lang daw niya sa TV. Kung gusto mong mailabas, kailangan sa simbahan ang tuloy niyo para magsimba, pilgrimage o prusisyon.

Ngunit di hamak na lampaso silang lahat ng ate ko kapag dating din lang sa dami ng damit. Di lang dalawang cabinet ang napupuno niya kahit na ilang beses na siyang nagbawas ng damit at namigay ng mga di na kasya sa kaniya. Ang ate ko ang klase ng tao na kapag pumunta ng Greenhills o mall, pagbalik ay may bagong biling damit. Kahit isang blusa lang o palda o scarf. Basta may dala. Halos walang mintis 'yan, sa loob ng isang linggo may isang bagong damit. Siya rin ang tipong magpapatahi ng damit ngunit isang beses lang gagamitin. Buti na lang ngayo'y may kasalo na siya sa damit, ang mas nakababata naming kapatid na babae. Na lagi namang dahilan ng kanilang pagtatalo.

Ako naman ay kabaliktaran ng ate ko. Kung siya'y laging may bagong damit, ako minsan lang mamili. Ngunit hanggang ngayon naitatago ko pa't naisusuot ang mga damit maski noong first year high school pa ako. Kahit butas, kahit butas, kahit may mantsa, kahit lumuwang na. Ang paborito ko ngang T-shirt na Backdraft (sigurado akong nakita niyo na 'yun, kulay kupasing pula at maluwang na ang garter sa leeg) ay 2nd year high school ko pa pagmamay-ari. Hanggang ngayon ay pinanlalakad ko pa. Iyan ang isa sa mga advantages ng payat, matipid sa damit sapagkat kasya pa rin kahit luma. Lumiliit nga lang. Ang pinakalumang pantalon ay ang Marlboro Classics na butas-butas, 1st year college pa ako nun. Ang pinakalumang collared shirt ay ang pinabili ko pa sa may Balibago, Angeles noong summer bago ako tumuntong ng 1st year high school. Kulay pula na Giordanno na frog. Kasabay pa sa pagbili nun ang una kong espadrilles.

Kaya't isipin na lang ang hinarap kong tambak na damit. Idagdag mo pa ang mga naiwang damit ng mga bisitang kamag-anak. Wala talaga kasing masinop sa pamilya namin at aakalain mong warehouse ng damit ang bahay namin dahil kahit saang sulok ay may kumpol ng damit. Malinis naman ang lahat, iyon nga lang nakatambak, tipong 'yung mga nasa bin kapag may sale. Hindi ko na kasi mahanap ang mga damit kaya't minabuti ko nang magligpit.

At samantalang nagtutupi at naghahalungkat, nakikinig ako ng radyo. Ngayon lang ako uli nakinig ng radyo. Hindi inaasahan ang nakisama sa akin ay isang special ni Julio Iglesias. Dalawang oras na pulos Julio Iglesias at salit-salit sa mga kanta'y ang buhay niya.

Kaya nga't habang kinikilala ko uli ang mga nawawalang damit ay kinikilala ko rin si Julio Iglesias. Pinakikinggan ko kung paanong di siya natanggap sa boys choir noong bata siya habang hinihiwalay ang mga natagpuang panyo. Nang maging sikat siyang soccer player ng Real de Madrid ay kasalukuyan naman akong nagpapares-pares ng medyas. Nagulat naman ako ng makita ang mga lumang brip at nang marinig na naaksidente siya at naparalisa. Dahil pala doon kaya siya napunta sa musika. Binigyan siya ng isang gitara ng kaibigan para malibang at doo'y nagtuluy-tuloy na ang hilig niya sa musika. Nadiskubre ko naman ang mga pinamili ng ate ko noong isang taon pa, nakabalot ng plastik bag at may resibo pa.

Habang nagtutupi ng mga damit at nagbubukas ng mga closet, nabuksan din ang dating lungkot. Ang paghahanap sa tamang gagawin sa buhay. Nasabi ko na nga dati, hindi ako natatakot na baka walang mangyari, ngunit nahihinto ako sa dami ng puwedeng mangyari. Nakaabang ang mga posibilidad at hindi ako makapili dahil baka mali ang mapili ko. Kaya nga nainggit ako kay Julio Iglesias. Nag-aral siya ng law ngunit nagpursige sa musika. Iginiit niya sa ama ang pagkanta. Inggit ako dahil batid niya ang gusto sa buhay.

Kaya nga habang binubusisi ang mga shorts ay binubusisi ko rin ang nais talaga sa buhay. Wala akong nalaman bukod sa napakarami ko palang alam na kanta ni Julio Iglesias bukod sa "To All The Girls I Loved Before". Mas magaganda pala talaga ang mga kanta niyang espanyol kaysa sa mga ingles. At nang maitabi ang pinakahuling tumpok ng damit, napatigil ako saglit sapagkat ang huling kanta'y "When I Fall In Love". Tama nga. When I fall in love it will be forever or I'll never fall in love at all. In a restless world such as this is, love has ended before it began. At hindi ko pinaguusapan dito ang pag-ibig lang. Ngunit ang pag-ibig din sa buhay at sa sarili. Sa dapat gawin. Naiintindihan ko na ng kaunti kung bakit ako natitigilan.

Gusto ko kasi kapag nagtaya ako, hanggang wakas, wagas. Ngunit bago 'yun mangyari'y kailangan kong maranasan ang too many moonlight kisses. Mga pangarap na pulpol. Kailangan kong magsimula sa isang hakbang, mali man o tama.

Labo ng kunekisyon ano? Pero kahit na, pagkatapos ko sa pagliligpit ng mga damit, maluwag din ang pakiramdam ko. Hindi ko inaakala na ang Cucurucucu Paloma ay kanta pala ni Julio Iglesias. Cucurucucu cucurucucu cucurucucu...

Ernan at 12:10 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment