2.13.2003
February 13, 2003 || 2:57 pmNapadaan ako sa simbahan kanina. Dinalaw ko ang Copytrade dahil magpapa-bind sana ako ng libro. Kalapit nito ang Santo Domingo at minabuti kong pumasok saglit. Kay tagal ko na kasing di pumasok ng kusa sa loob ng simbahan.
Ang tahimik sa loob at ang lawak. Aakalain mo na malungkot sa loob sapagkat dito iniimbak ng mga tao ang lungkot at binubuhos ang hinaing. Ngunit hindi. Mapayapa ang simbahan. Tila ang lungkot ay nakakahanap ng agapay sa ibang lungkot at ang katahamikan ang supling nila.
Ilang minuto rin akong natigilan at napako sa upuan. Anong ganda ang bagsak ng araw sa sahig! Parang ang lambing ng suyuan nilang dalawa. Naiingit yata ako at naghanap ng masusuyo; ipinatong ang kamay sa upuan at dinama ang gaspang ng kahoy. Hindi na pantay ang barnis nito, maputi sa ibang bahagi at may uka't kaskas. Ilang bisig na kaya ang pumatong dito at humiling ng mirakulo? Maalat at lumutong na ba ang kahoy dahil sa mga luhang sinipsip?
Naiintindihan ko na ang hilig ni Villanelle sa mga simbahan. At higit pa.
Ernan at 3:04 PM