1.09.2003
January 9, 2003 || 2:35 pmIlang gabi na akong puyat. Puyat na tila walang pinagkakaabalahan. Puyat na di lang makatulog kasi di sanay matulog nang maaga.
Pero kagabi, dahil sa kabaitan ni Eggy na nagpahiram ng video, kahit papaano may katuturan ang di pagtulog nang maaga. Sa wakas, napanood ko na rin ang Y Tu Mama Tambien.
Di iilang tao ang nagsabi sa akin na magugstuhan ko ito. Nanggaling pa sila sa iba't ibang sulok ng mundo. Pero may binanggit sa akin si Reggie na nanatiling umikilkil sa isipan.
Sabi niya na Pinoy daw ang sensibility ng pelikula at nakakapagtaka kung bakit walang nakaisip sa Pilipinas na gumawa ng ganoon.
Kaya nga't matapos ang pelikula'y napaisip ako kung Pinoy nga ba. Sa ilang banda, oo. Sapagkat di naman makakaila na nakatali at mas nakabibilang ang tradisyon natin sa mga Latino kaysa mga Asyano. Marahil bunga na ng ilang daang taong pananakop ng mga Kastila. At sa kinalalagyan ng sine natin sa mga nakaraang taon, kawangis nga nito ang mga pelikulang Pinoy. Hindi makakaila na bomba at sex movies talaga ang namamayani sa industriya. Mapapito-pito film man sa tabi-tabi ng kung sinu-sino o mga pelikulang de kalidad tulad ng Tuhog. At oo nga, mahilig tayong magpatamang pulitikal.
Ngunit sa palagay ko, dito nagtatapos ang pagkakawangis. Sapagkat lasang Latin American pa rin ang Y Tu Mama Tambien. Mula sa ginamit na estilo hanggang sa pag-tackle sa seks.
Ang mga muni-muni sa mga lugar ay (sa maliit at makitid na alam ko) tatak ng kontemporaryong Latin Americans. Ang pagbibigay, sa pamamagitan ng isang rekoleksiyon ng tauhan o omniscient na narrator, ng kuru-kuro o paglalahad ng mga nangyari sa nakalipas at mangyayari ay makikita rin sa mga nobela ni Garcia Marquez at Allende, sa mga maikling kuwento ni Donoso at mga tula nina Alegre, kung magbabanggit ng ilan. Sa mga nakabasa ng One Hundred Years of Solitude, matatandaan na sa unang pahina pa lang ganoong estilo ang bumulaga sa atin.
Sa seks naman, mas sanay tayo sa teatrikal at lalong pinalibog na scenes. Dito kasi sa Y Tu Mama Tambien, hinubaran nito ang ating mga pantasya. Ipinakita ang pinakasimpleng kaganapan at hindi pilit tinangkang akitin ang manonood sa seks. Dinaan lang niya at tinrato ang seks scenes bilang isang ordinaryong scene lamang sa buong pelikula. Tipong hindi highlight tulad ng sa atin.
Matapos maisip ang mga ito, bigla akong kinulit ng isa pa. Kung gayon, ano ang kontemporaryong Pinoy sensibility?
Nakakahiya at hindi ko mahuli-huli. Parang mas alam ko pa ang sa iba kaysa sa atin. Hinagilap ko kaagad ang mga bigating pangalan. Sa literatura, ang mga makabayang akda gaya ng kina Amado V. Hernandez, ang Bagay movement, ang pahirapang gawa nina Eric Gamalinda, si Rio Alma. Ang mga Ingles na manunulat, ang malungkuting akda nina Ben Santos, ang Chinese influences kina Charlson Ong, si Kerima Polotan, ang sensibility ni Mam Edith. Sa pelikula, ang bomba films, si Lino Brocka, ang hagulgol at sigawan, ang kabit, ang pantasiya ng mga duwende, komedi na kubeta.
Hindi ko mabigkis. Hindi ko mahanap ang mahiwagang sinulid na magtatali sa lahat. Kulang lang ba talaga ako sa kaalaman o sadyang kalat-kalat tayo? Iyon ba talaga ang mukha natin, walang mukha? Ang kakayahang makiapid sa lahat. Parang DH. Parang ipis.
O baka naman ganito lang sapagkat naririto ako sa loob? Baka kapag banyaga at nagmumula sa labas ay may maituturo akong pormulang Pinoy. Kayang maitatak na Pinoy nga.
Ernan at 4:23 PM