1.30.2003
January 30, 2003 || 8:50 pmHindi lang sa labas ang pagsabog, gumuguho rin ang loob.
Kakaiba ang pagod ng mga nakaraang araw. Hindi na ako sanay sa kakarampot na tulog at maagang paggising.
Kakaiba rin ang mga nakita at narinig. Mula Quiapo hanggang Makati.
Uunahan ko na siguro sa pag-amin na kabilang ako sa middle class. Hindi mayaman at hindi rin naman naghihikahos. Hindi nakakamit lahat ng gusto ngunit hindi rin naman nagugutom at nakukulangan.
Nasanay akong makitungo sa mga mas mahihirap sa akin dahil na siguro sa mga kapitbahay na squatter noong bata. Naroon na ang makipag-agawang buko't teks sa kanila. Mula bata pa lang ay isinabak na ako ng magulang sa commuting at pumunta sa mga "seedy" na lugar. Sinasama ako sa pamamalengke sa Quiapo, sa pagsisimba sa Tondo, at iba pa. Lakwatsero rin naman ang mga kaibigan at napapagala kami sa mga kalye ng Sampaloc para kumain sa disoras ng gabi, sa Novaliches at Valenzuela para tumambay.
Nahasa rin ang pakikitungo ko sa mga mas nakakaangat. Lalo pa ng mapunta sa kolehiyo. Samu't saring luho at accent ang nakatagpo. May mga tunay, may mga pasosy lang.
Tumalas ang mata at pakiramdam. At sana, (sa palagay ko naman oo) kayang makipagsabayan sa dalawang classes.
Ngunit ang hindi ko minsan masakyan ay kung naghalo ang dalawang classes. Burgis at makaluma ang pananaw, alam ko, at nagulat din ako. Akala ko pa naman may nagtatagong makibaka sa loob ko.
Nang manood ako ng The Ring (American version) sa Glorietta 4, hindi na usual beautiful people ang crowd. Okay lang naman, ang hindi ko nakayanan ay ang reaksiyon nila sa pelikula. O mas klaro, habang nanood sila. Hindi lang sila nagkukuwentuhan at maingay na ngumunguyab kundi matapos humiyaw sa gulat o kaba ay nagtatawanan sila. Lumuluwa ng buhok si Naomi Watts, "yuck!...hahahahahaha!" ang sagot nila. Lumabas si Samira sa TV, "aiiiii!...hahahahahaha!" Nawala tuloy ang buong mood ng pelikula. Nairita ako kahit napanood ko na ang pelikula at sa palagay ko'y mahina ito kapag ikinumpara sa original Japanese.
At nang magpunta ako ng Quiapo para mamili ng weekly supply ko ng DVDs, (yes shoot me, I lurve pirated DVDs) habang namimili, narinig ko ang isang batang babae sa kabilang stall ng "Dad, buy that Peter Pan. I wanna see him fly." at sabay pagasapas ng kamay. Cute ang bata, oo. Ngunit parang hindi bagay sa lugar. Ang ama nama'y tatango-tango lang at bulong ng "That's not Peter Pan sweetie. It's the Magic Cauldron." Okay sana kaso nang marinig ko ang binayad iya, 80 pesos bawat DVD, nairita ako. Dahil naalala ko kung papaanong nagtaas ang mga presyo ng ibang bilihin dito dahil sa kanila na hindi marunong tumawad. At nairita ako kasi baka sa kalaunan, masanay ang mga tindero na ganoon ipresyo at itaas nila. At nairita ako na hindi man lang makibagay ang ama't bata sa paligid. Ang bata siguro, sige, mapapatawad. Ngunit ang ama, pati sa pagtatanong ng presyo, "how much for one?" Hindi naman siguro siya balibayan at lumaki sa Tate sapagkat kahit papaano makikilala at mapapansin 'yun sa pagporma at pananalita. At ang bata'y mukhang homegrown ang Ingles. Hindi rin makakaabot ang balikbayan sa ganitong sulok ng Maynila ng walang gumagabay, lalo pa't may kasamang bata.
Hay. Ewan. May mga bagay ngang dapat hindi ipinaghahalo ang balat sa tinalupan. At kung sino man ang nagsasabing all is fair in life ay hungkag. Napapagtanto ko rin na malamang sa malamang, ang kinagagalitan ko ay ang mga taong nasa middle class na hindi marunong makibagay sa paligid (dahil palagay ko kabilang sa Upper B ang mga taong nabanggit ko). Na nakatikim lang ng kaunting karangyaan at ingles, akala mo'y todo bughaw na ang dugo. Pati kamalian ng iba'y kinokopya.
Lumalabo na ang usapan na 'to. Pagpasensiyahan niyo na at kailangan lang ilabas ang hinaing.
Ernan at 9:37 PM