1.20.2003

January 20, 2003 || 4:41 pm


Malamang alam niyo na ito ngunit para sa continuity...

Ang mga nagwagi sa Golden Globes:

Best Motion Picture (Drama) - The Hours
Best Actor (Drama) - Jack Nicholson, About Schmidt
Best Actress (Drama) - Nicole Kidman, The Hours

Best Motion Picture (Comedy/Musical) - Chicago
Best Actor (Comedy) - Richard Gere, Chicago
Best Actress (Comedy) - Renee Zellweger, Chicago

Best Direction - Martin Scorsese, Gangs of New York
Best Screenplay - Alexander Payne and Jim Taylor, About Schmidt
Best Supporting Actor - Chris Cooper, Adaptation
Best Supporting Actress - Meryl Streep, Adaptation

Best Foreign Film - Talk to Her (Spain)


Para sa kumpletong tala ng mga nanalo, i-click dito.




Nawala na ang perya sa lansangan. Dati-rati'y para silang mga kabute. Basta may kasiyahan at pista sa isang lugar, at may bakanteng lote, maririnig ang ingay ng perya. Mga mamang nakamikropono, nag-aanyayang tumaya, mga kalansing ng bentesingko, maliliwanag na ilaw at samu't saring kulay.

Kakaunti na lang sila ngayon. At ang mga natitira'y maliliit at nakalulunos tignan. Nawala na nga ang perya sa lansangan ngunit lumipat naman sila sa telebisyon.

Araw-araw binubulabog tayo ng ingay, kulay, kahindik-hindik, at kakaiba. Sa MTB, mapapanood si Madeline na isang dagang kosta. Ang pusta mo'y di nakasalalay sa galing mo o sa suwerte, kundi sa pagkahilo ng isang daga. Ang kakaibang galing ay ipinakita na ng Eat Bulaga, mula sa paghuli ng dalag sa pamamagitan ng bibig o paglambitin sa alambre. Hinid rin nawala ang mga grotesque, naghanap ang MTB ng may pinakamaraming piercings sa mukha, mahabang sawa, at kung ano pa. Siyempre pa, sinong makakalimot sa mga babaeng assistants na kumekendeng-kendeng.

Sumisigaw sa kulay, nakaririnding musika, ingay na pinapalamutian ng galak—iyan ang kasabay natin sa katanghalian. Hindi na natin kailangan dumayo sa plaza para makigulo, sila mismo ang dumadalo sa ating hapag. Todo na 'to dahil mas pinarambol ang gulo ng ipasok ang mga text games. Ang piso-piso mo sa beto-beto dati'y napalitan ng P2.50 sa text. At komo TV, di lang pinggan o dalawang daan ang mapapanalunan mo kundi ilang libo.

Isang bansa tayong nakikiperya, araw-araw, mula Aparri hanggang Jolo.

Bukod dito, di lamang makulay na tuwa ang pinapanood natin. Naroroon ang kabilang mukha, ang lungkot. Payak ito sa mga telenovelas. Mula sa mga baguhang aktres hanggang sa mga pinakasikat, nakikisabay tayo sa takbo ng buhay nila.

Kaya nga ba't hindi na ako nagulat na ang hit na reality shows sa US ay iba ang pagka-translate dito sa Pinas. Hindi Amazing Race o Survivor kundi Wish Ko Lang at Willingly Yours. Ang mga makatotohanang pangyayari na gusto nating makita ay hindi tagisan ng galing kundi tagisan ng emsoyon. Hindi mga mamang tumatakbo sa parang at nagtatrayduran kundi mga pamilyang nagkawatak-watak at nabuong muli. Pati ang mga game shows, pinapasakan natin ng melodrama. Kahit saan, lumalantad ang pag-ibig natin sa madalian at hindi pinaghirapan. Instant winner, instant drama.

Anong perya ng emosyon ang pinapatuloy natin araw-araw. Kaninang tanghali lang sa Dos, nag-breaking news. Ipinakita ang pukpukan at karahasang nagaganap sa rally ng EDSA Dos at matapos, ang ipinakita, ang Lucky Egg contest sa MTB. Matapos ang mga batuta, bumulagta sa atin ang ngiti ni Kuya Dick. Anong sirko bigla ng emsoyon.

Sala sa lamig, sala sa init. Sabay tayong tumatawa at lumuluha. Walang tragic sa atin, entertainment ang lahat basta nasa TV.

Ernan at 4:54 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment