11.07.2002
November 5, 2002 || 1:33 pmHi! Ako si Michael. Joel. Robert. Luis. George. Jose Miguel. Anton. Carlo. Jomel. Eric. Mike.
Ilan lang iyan sa mga natatandaan kong ginamit kong mga pangalan. Malamang kapag nagkakilala tayo makikikapagkamay ako at buong tamis kong gogoyoin ka at ibang pangalan ang ibibigay ko. Naalala ko pa nga si Ching-I Wang na dalawang taon na inakalang Mike ang pangalan ko. Tuwing magkakasalubong kami sa hallway o sa caf binabati niya ako ng malakas na "Mike!" Tatango naman ako. At hanggang ngayon, sa tulong nina Redge at Mely, inaakala ng buong Economics Department na Ricardo ang pangalawa kong pangalan dahil nag-submit kami minsan ng final paper na iyon ang gamit kong ngalan.
Nalimot ko na kung kailan at kanino ako unang nagloko sa pangalan. Pero umusbong ito dahil nasawa ako sa mga maling dinig sa pangalan ko. Lagi na lang, "Anong pangalan mo ulit? Bernard? Fernan? Aaron?" Kaya nagbibigay na lang ako ng mas generic na pangalan, kung saan di babaluktot ang dila nila at di sisirko ang pang-unawa.
Ngunit paglipas ng panahon, natuwa na ako sa ganitong biro. Minsan ehersisyo sa kakayahan kong makatanda. Kinakailangan kasi sa ganitong laro ang bilis ng utak at maalalahanin sa detalye. Masarap ding tignan kung hanggang saan matutulak ang tiwala ng tao. Sa buod kasi, sadya tayong lahat mapagtiwala. Kung ano ang hinarap sa'yo ay iyon na ang tatanggapin.
Iniisip ko minsan kung senyales ba ito ng pagpupumiglas ng sarili. Kung gustong baguhin ang personalidad. Ngunit batid ko na kahit anong mangyari, anumang letra ang pagdugtu-dugtungin ko, ganito pa rin ako. Lilitawa at lilitaw ang katangian. Hindi ko binubura o tinatakpan ang sarili sa pagtapal ng kung anu-anong pangalan. Pinatitingkad ko lang ang sariling pangalan. Kahit ano pa man nakatatak na talaga ng husto ang Ernan sa akin. Hindi ko ito mababago at di ko rin naman nais.
Ernan at 2:19 PM