10.08.2002

October 8, 2002 || 1:13 am


Halos alas-kuwatro ng madaling araw. Si Chris, si Joey at ako. Nakasalampak sa sahig at hinihintay ang beer. Kuwentuhang walang wawa. Nagkakalokohan at nagkakatuwaan. Pinag-uusapan ang musika, pelikula at mga kakilala. Nang simpleng simple, "I broke up with Marge." Ilang diretsang katanungan mula sa amin at bumalik ang usapan sa Spy Kids.

Walang halong iyak. Ni pangangatal ng labi. Isang bagsak. Kadalasang ganyan ang bahagian kapag lalaki sa lalaki ang usapan. Isang pag-aamin na tila di pinag-isipan. Na bigla lang hinugot. At pagkatapos ilang katanungan na tila walang importansiya. Ilang walang pakialam na kasagutan ngunit malaman. At matapos, siyempre pa, ang kantiyawan. Ang asaran. Ang mabigat na dalahi'y laging nagiging magaan. Na ang dinaramdam ay isang katatawanan. Ang katumbas ng lahat ng problema'y isang case ng beer at sisig. Solb na ang buto-buto't puso mo.

Ngunit paminsan-minsan, tumutungo pa rin ako sa mga kaibigang babae. Kapag may dalahing magulo't dapat ayusin. Sila ang mahilig mangusisa. Magtanong. Ang mga kasagutan mong tuldok ay babatakin nila sa isang kuwit para may kasunod na tugon. Umuukilkil ang bawat katanungan. Minsan may kaunting pangingilid ng luha. Minsan may panunumbat. At laging may pangaral. Kapag babae ang kinakausap mo, nararamdaman mong pilit niyang iniyuyuko ang kanyang damdamin para magtugma kayo. Ngunit nakakapagod ang mga ganitong usapan. At kapag lagi mong ginagawa, siguro'y nakakaloko.

Kaya nga't kapag mag-aangst ako'y sa mga taong nakasanayan ko na. Na makakaintindi ng mode ko. Na hindi ako tuluyang sasabayan sa nararamdaman. Na prepreno sa pagbuhos ng damdamin.

At paano ko malilimutan ang mga pagkakataong binubulabog ka sa gitna ng gabi at kinakailangan may makausap. Isa sa pasasalamat ko at may text. Ang mga batuhan naming mga nangungulila o kaya'y mga nangangapa. Nariyan na ang mga biglaang text messages na di mo halos maintindihan kung tungkol saan ngunit alam mo kung bakit ipinadala sa iyo at kung ano ang nais paratingin. Gaya na lamang nito, "The years are making themselves felt tonight. I am confident that things will turn out right." na mula kay Larry. O ang mga manaka-nakang text ni Sheryll, "I'm out of the woods darling." O kaya'y ang pagdating ni Mookie, "Morgan, the pyjamas are so lonesome without the orangutans".

Nakakatuwang isipin na kahit sa pagbabahagi may nababagay na pagsasabihan at paraan. Minsan nga't subukan ko ring bumulong sa isang butas sa pader. Sa isang simbahan man o sa isang nililimot nang templo. Anumang bigat ang kinikimkim, may kaluwagan na katapat.

Ernan at 1:33 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment