10.27.2002
October 27, 2002 || 6:31 pmNoong ilang mga linggo bumuhos ang trabaho. Ilang araw din akong ginagabi sa opisina. Di ako magkanda-ugaga sa trabaho. Kaya nga't nabitiwan ko at iniwan ang ibang gawain maliban sa trabaho.
Nakakalat ang mga CDs at libro ko sa bahay. Hindi na ako gaanong makapanood ng sine. Malimit na ring lumabas at mag-good time. Hindi na ako nakakapanood ng TV. Hindi ko matapus-tapos ang librong binabasa ko. Gulu-gulo at kung saan-saan na ang mga damit ko. Pagkagaling sa trabaho'y sa kama kaagad ako dumidiretso. Iidlip sandali, gigising para kumain ng hapunan, tulog ulit. Pagkagising sa umaga, sabak uli sa trabaho.
Nang lumuwag-luwag ang trabaho at maari na akong umuwi ng maaga, hindi ko na alam ang gagawin ko. Pakiramdam ko napakarami kong oras na libre. Kung kailan puwede ng manood ng sine at gawin ang lahat-lahat na iniwan mo, nawawalan ka ng gana. Parang sa sobrang dami ng libreng oras, tinatamad ka at gusto mo na lang sumalampak at tumitig sa alangaan. Gaya ngayon, wala akong ginawa buong araw kundi humiga at magpabandying-bandying.
Pero di ibig sabihin nito na gusto kong mabuhusan uli ng trabaho. Hindi na lang ako sanay ng walang ginagawa. At kung walang pupuwersa ay tinatamad akong kumilos. Masasanay din ako uli sa mga bakanteng oras. Samantala, pakikinggan ko muna ang "A Final Hit" ng Leftfield. Mamaya na ako kikilos.
Ernan at 6:32 PM