10.26.2002

October 26, 2002 || 1:28 am


The Great Dragon and the Woman Clothed in SinMabigat ang loob ko at ayaw kong matulog. Hindi. Sa palagay ko, kahit gustuhin kong matulog hindi ako makakatulog.

Nanood ako ng Tesis at Red Dragon. Kauuwi ko lang. Hanggang ngayon may kaba pa rin sa dibdib ko. Kay tagal ko nang hindi nakaramdaman ng takot. Sa Tesis, pasundut-sundot lang ang kaba. Kaunting gulat at kaunting lukso. Ngunit sa Red Dragon, mula simula hanggang dulo, kahit hanggang ngayon! kinakabahan pa rin ako. Walang partikular na scene ako natatakot. Sa buong pelikula, sa buong pagkakataon may namumuong itim sa puso ko.

Nagkamali ako. Kamakailan lang nasabi kong natatakot ako at hindi ako natatakot. May kinakatakutan ako. Nasabi ko lang iyon sa kamatayan at naisip kong aklaw na nito ang lahat. Hindi pala.

Kaya ako takot na takot sa Red Dragon ay dahil tao ito at hindi mumo tulad ng sa Ring. Hindi alien, hindi katawang sinapian ng espiritu, hindi bampira, hindi monster. Tao. Na maaring katulad mo o katulad ko. Kinatatakutan ko pala nang husto ang Mr. Hyde na nagtatago sa ating lahat. Na kaya ng isang tao gumawa ng ganoong klaseng kalagiman. Natatakot ako sa mga posibilidad. I am the dragon.

Hindi ako takot sa biglang kamatayan. May saysay man ito o wala. May dahilan o ihip hangin. Takot ako sa sadya at dahan-dahang kamatayan. Sa malice. Sa planado. Sa murder. Hindi ng mga normal na kadahilanan tulad ng pagnanakaw o galit. Hindi sa normal na paraan tulad ng baril o saksak.

Matagal na akong hindi natakot. Nakalimutan kong namamawis nga pala ang palad mo kapag takot ka. Papauwi na ako nang mapansin kong basa ang palad ko. Bago ko ito pinunasan, inilapit ko sa ilong ko. Ngayon batid ko na ang amoy ng takot. Susubukan kong hindi na muling kalimutan.

Ernan at 2:33 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment