10.23.2002

October 23, 2002 || 12:11 am


Lamang lang ng ilang araw ang pagiging Aries ko sa Pisces. Pero maari pa rin akong masabing nasa cusp ng Aries at Pisces. Ngunit sa palagay ko'y mas Aries ako kung tubig at apoy din lang ang pagbabasehan.

Mas nakakayanan ko kasi ang init sa lamig. Isa sa pinakamatingkad na naalala ko sa kabataan ko sa Pampanga ay ang paglalakad ko sa Spraco sa tanghali. Buhusan ng tubig ang Spraco na galing sa factory ng asukal. Para siyang dalawang malaki't malawak na swimming pool. Swimming pool na hindi binungkal ngunit itinayo sa lupa. Samakatuwid, nagtayo sila ng enclosed na apat na pader (mga 12-15 feet siguro ang taas). Sa gitna ng Spraco ay mga matatabang tubo kung saan lumalagos ang tubig.

Magkatabi ang dalawang buhusan ng tubig at ang hilig naming mga magpipinsan ay akyatin ang dingding at maghabulan sa ibabaw ng dingding. Nabanggit ko ba na wala pang 1 foot ang lapad ng itaas ng dingding at may mga nakausling tubo sa ibang part? Lagi kaming naghahabulan dito. Kung minalas ka't malaglag, nilulumot na tubig ang babagsakan mo at humanda kang kumaway sa mga palakang kokak o kung sa isa ka namang pool bumagsak (na huwag naman sana), magdasal ka na huwag sana malapnos ang balat mo dahil mainit ang tubig. Pero teka at nawala na ako.

Isa sa pinakamtingkad na alaala ng kabataan ko sa Pampanga'y ang pagtatalunton nga sa mataas na pader ng Spraco habang tanghaling tapat. Mataas ang sikat ng araw at sakto ang sinag sa mata kaya't kadalasan pumipikit ako habang nilalakad ang pader. Halos mamuti't mangitim ang aking paningin kahit nakapikit dahil sa lakas ng sinag. Damang dama ko ang halik ng araw sa aking kanang pisngi at ang mainit nitong tapik sa braso. Nararamdaman ko na tila tinutusta ang balat ko at iniisip kong unti-unti itong nagiging pula tapos brown.

Pati sa pagtulog mas nanaisin kong mainit kaysa malamig. Kapag tanghali nga't tinamaan ako ng pagkamainit, matutulog ako ng walang aircon at di binubuksan ang electric fan. Kaya't paggising ko'y basang-basa ako sa pawis.

May butil nga kaya ng katotohanan sa mga zodiac signs? Kung ipananganak kaya ako ng ilang araw at naging full-fledge na Pisces, mas magiging magiliw kaya ako sa mga basang bagay? Mas gugustuhin ko bang lumangoy sa dagat kaysa magbabad at maglakad sa init ng araw? Ewan. Dapat nga bang pinag-iisipan ang mga ganitong bagay?

Ernan at 12:11 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment