10.17.2002

October 17, 2002 || 9:30 pm


Muling sumagi sa isipan ang dating laging binabanggit sa sarili. Natatakot ako dahil hindi ako natatakot.

Namuo ito nang mapansin ko sa sarili na hindi ako takot na mamatay. Na kung sa pagtawid ko ngayon sa kalye'y masagasaan ako ng dambuhalang trak, okay lang. Na kung makakausap ko ang Diyos ay makikipaglokohan ako. Na kung mapadpad ako sa impiyerno, e ano? Na kaya kong isipin na halos lahat at hindi ako matitinag. Para akong istatwa na kahit anong ibato ng tadhana sa harap ko'y tatanggapin ko. Walang kurap. Isang halakhak lang ang katapat.

At iyon mismo ang kinakatakot ko. Na isang tumpok lang ako. Na sa pinakadulo, tatanggapin ko lahat o babalikwas sa lahat. Dahil kung gaano kadali tanggapin ang mga nangyayari sa buhay, ganoon din kadali talikuran ang lahat-lahat. Isang kibit-balikat. Paalam.

Ang tanging sasabihin at iiwan ay, "e ano?"

Ernan at 9:33 PM

0   comments

0 Comments

Post a Comment