9.25.2002
September 25, 2002 || 4:39 amHalos magdadalawang buwan na rin ako sa bago kong pinapasukan. At tulad sa napakaraming bagay, dumating ito ng hindi inaasahan. At tulad din sa napakaraming bagay, hindi ko ito sineseryoso. Isang katuwaan at tugon sa pangangailangan.
Isang araw, bigla na lang kinukulit ako ng nanay ko na pumunta sa isang interbyu at magsuot daw ako ng long sleeves. May tumawag pala at gusto akong makita para sa isang trabaho. Ganyan ang nanay ko, mas sabik at excited sa akin. Madali pang mabulag sa pangalan. Nang malaman kong ABS-CBN , "ay!" kako, "hindi na lang."
Papaano kasi'y napakarami na ang dumaan sa dos at alam ko na ang mga horror stories dito. Ang corporate attitude (na hanggang ngayon ay hindi ko makayanan), ang pagpapalaganap ng mga napaka may kuwentang shows, ang pulitika, si Carlos Agassi (salamat sa Diyos at hanggang ngayon at hindi ko pa siya nakikita ng harapan). Isa pa, hindi naman talaga ako naghahanap ng trabaho ng mga panahong iyon.
Kaso nanaig ang nanay ko at dahil hindi naman pala ABS-CBN broadcasting (ABS-CBN interactive naman pala), napapunta na ako. Sa simula pa lang, pambobola na ang ginawa ko. Sa unang interbyu pa lang napakarami ko nang ikinuwento. Pati pa nga ang plano namin ng mga taga-Damuhan na maglabas ng isang antolohiya ng mga tula, maikling kuwento at artworks. Kinausap ko pa siya sa espaƱol na halata namang di praktisado. At nang tanungin ako ng Director kung saan ako pinakamahusay, sinagot ko siya ng buong ngiti at tumataginting na "I would like to think and I hope I'm good at writing poems in Filipino." Kung baga, pinag-tripan ko.
Ngunit malaki ang pangangailangan nila at tagtuyot ako sa pera kaya, sa madaling sabi, napapayag na ako at magiging part na ako ng ABS-CBN family. Bago pa man ako pumirma sa kanila, naririnig ko na ang sasabihin ng mga kaibigan. "Sell out." "Ano? ABS? Bahala ka."
Lagi kong iginigiit na hindi Channel 2 at Interactive naman. Laging sinasabi na "I'm working for an IT-SMS firm in Timog. It's called Interactive" at talagang hindi babanggitin ang ABS-CBN. Matagal ko itong itinatanggi at itinatago ang dismaya sa isang malaking ngiti, detachment at kakayahang pagtawanan ang nangyayari sa paligid. Matapos ang lahat ng banta sa sarili at panlalait sa kapuwa, heto rin ako, dito ang bagsak (may consolation pa rin naman ako kahit papaano, hindi ito bangko).
Kaya nga hanggang ngayon wala pa ring laman ang desk ko. Hindi pa rin ako naglalagay ng kung anong mga tula, postcards at pictures. Umiiwas magpagabi at tumambay sa trabaho. At pati ang ID ko ay pilit winawalang hiya. Mula sa temporary ID na dapat 1x1 ang litrato, ipinagkasya ko ang 2.5 x 2.5 na kuha ng napakalaki at close-up ng mukha ko (reject pa kamo ng passport picture ko,
Ngunit paano man ispelingin, ABS-CBN pa rin ito, sell out at bahala nga talaga ako. Lagi-lagi itong ipinamumukha ng ABS-CBN ID ko na kinakailangang suutin habang nasa compound (pero hindi ko ginagawa. Tangna! nung high school at college nga ako di ako nagsusuot ng ID, ngayon pa). Akalain ba namang paglabas ng litrato sa ID, napakalaki nga ng ngiti ko, ngunit mukhang tuwang-tuwa ako na kapamilya ko na ang Power Boys at si Bentong.
Hindi ko alam, pero senyales ba ito na kinakailangan ko nang magseryoso?
Ernan at 4:43 AM