9.21.2002
September 21, 2002 || 6:07 pm"You will walk toward the mirror,
closer and closer, then flow
into the glass. You will disappear"
- William Stafford, Your Life
Hindi ko maintindihan ang relasyon ng mga babae sa salamin. Hindi lang miminsan kong narinig na kinakailangan nilang tumingin sa salamin kahit isang beses lang sa buong araw.
Hindi ko iyon maintindihan sapagkat sumisilip lang ako kapag nagsusuklay o napuwing o kapag tinatawag ng angst. Samakatuwid, sa isang buwan, mga apat o limang beses lang akong tumitingin sa salamin sapagkat di naman ako nagsusuklay (kung gawin ko man kadalasa'y di ko kinakailangan ang salamin), hindi naman araw-araw napupuwing, at nawawalan na ako ng panahon sa angst at kamakailan nakokornihan na ako sa sarili kapag nasa ganoon akong mode. Ganyan kabihira kahit may malaki kaming salamin sa bahay na nasa harap ng pintuan papalabas. Hindi ko na nabibisita ang mukha ko, ang hitsurang sumisimbolo ng buong pagkatao.
Ngunti ang kababaihan, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, binibisita ang sariling mukha (sa salamin sa bahay, sa kotse, sa CR, sa eskuwela, sa bintana, sa lahat na lang ng bagay, pati pa nga minsan sa bread knife). Hindi ko lubos maisip kung ano ang hinahanap nila sa mga pagsilip na iyon. Madaling sabihing vanity ngunit, sa palagay ko, bitag iyon para sa mga tamad mag-isip.
Isipin na lang ang hilig ng mga pelikulang ipakita ang mga babaeng may problema sa harap ng salamin. Nasa may banyo man sila o sa harap ng dresser nila, tumutulo ang luha at gumuhit ang mascara o tulalang nakatitig. Laging babae, minsan lang lalaki.
O kung mapadpad ka sa isang red light bar, madalas salamin ang kanilang dingding. Oo nga siguro't nagpapaluwag iyon sa paningin pero kapag sumayaw na ang mga babae, doon sila nakatitig. Tila sinasayawan ang sarili. Maaring sabihing dahil sa hiya ngunit hindi rin lamang iyon sapagkat sa palagay ko'y lagpas na sila sa hiya. At kahit kasi sa mga bars na may bar dancing, kung saan hindi naman talaga naghuhubad ang mga babae, doon pa rin bumabaling ang mga mata nila. Lagi't lagi nilang sinisilip ang sarili.
Nababasa kaya nila ang mga sarili sa salamin? Tulad ba ni Tereza, nakikita ba nilang may mga kumakaway na pasahero? Kinakailangan ba nilang makakita ng ebidensiya araw-araw na sila'y naririto't nabubuhay pa? Sinusugarado ba nilang sila ay sila pa, na walang nagbago? Anong kakulangan ang sinusubukang punan? Anong katotohanan ang hinahanap nila?
Ernan at 6:09 PM