9.12.2002

September 12, 2002 || 9:22 am


Walanjo nga naman. Maganda pa naman sana ang sikat ng araw at hindi gaanong mainit at di rin umuulan. Fair weather ika nga. Kanina, papasok ako ng opisina, tumatawid ako sa kalye ng makasabay ko ang isang ale na nakapayong. Okay lang naman at walang problema. Kaso mo, maliit siya. At ang payong niya'y saktong nakaharang sa eye level ko. At malaki, MALAKI ang payong na dala niya. Kaya nga naman di ko makita ang mga sasakyan na parating. Nagkataon lang na muntik na akong mabundol ng kotseng kuba. Bakit ba naman kasi nakapayong si ale, di ba naman niya naisip na mainam sa buto ang maarawan sa umaga. Vitamin D din yun.

Ito ang problema ng mga matatangkad na hinding-hindi maiintindihan ng mga maliliit.



The Lovers La Trahison des Images Perspective: Madame Recamier by David False Mirror


Unang kita ko pa lang sa mga pinta ni Magritte namangha na ako. 14 anyos pa lang yata ako noon at natagpuan ko siya sa mga lumang magasin ng lola kong mananahi. May isang buong artikulo roon tungkol sa kanya. Siyempre pa, natuwa ako sa pipa niya na nilagyan niyang "This is not a pipe" at bumakat sa isipan ko ang The Survivor niya na may ripleng dumudugo na nakasandal sa dingding.

Matagal ding nawaglit sa isipan ko ang pangalan ni Magritte. Nang nasa stage pa ako ng "book mania" at "poetry euphoria" nakatagpo ko ang isang libro na ang pabalat ay isang painting ng isang mama na nakasuot ng bowler hat na tila inukit sa himpapawid. Walang dalawang isip, kinuha ko ang libro at binasa. Collected poetry pala ni Yehuda Amichai na nang mga panahong iyon di ko pa kilala. Binili ko ang libro at ang hindi ko napansin ay Rene Magritte pala ang painting sa labas ng libro. At doon ko naalala uli ang mga pinta ni Magritte.

Ngayong tubog na ako sa pilosopiya, hindi na basta novelty lang ang tingin ko sa mga pinta niya. Lalo na sa "Treachery of Images" niya. Ang di ko naintindihan noon, masalimuot pala ang nilalaman ng mga pinta niya. Kaya heto't ipinapakilala ko siya sa inyo. I-click lang ang mga larawan kung gusto mong makita ng mas malaki ang mga pinta.


Key to the Fields Attempting the Impossible The Survivor The Red Model

Ernan at 9:50 AM

0   comments

0 Comments

Post a Comment