9.05.2002
September 05, 2002 || 12:20 amAt nakalulungkot, tila kasi lahat na lang ng ginagawa nating pelikula ay kopya, segunda klaseng duplicate. Makikita at batid mo namang puwedeng hindi manggaya. Hindi ko tuloy alam kung katamaran ba mag-isip ang pinaguugatan nito o sadya lang bang nasasaloob na talaga natin na mas maganda't magaling ang sa mga dayuhan.
Kanina paglabas ko ng sinehan, nanliit ako. Iyong pagliit na pisikal, na tila napakalaki ng lahat sa paligid. Sa paningin ko, ang lawak ng kalye, ang taas ng gusali, ang layo ng distansya na lalakbayin. Saka lamang pagdating sa bahay napinta ko ang nadama. Nilalamon ako ng daigdig at sinasakluban ng buhay. Bigla na lang binubulaga ka at makikita mo na wala ka na at ginigitgit ka ng buhay. Tipong sige ka ng sige, hindi mo naman pala alam ang pinagkakaabalahan mo. Nawala ka na at nalinlang ka. Pagsilip mo muli, nagbago na ang lahat. Kinakailangan mo muling pumirme at huminto at makiramdam sa sandali, unti-unting patingkarin ang sarili at hayaang tumangkad ang kalooban para puwede ka na uling makipagsabayan.
Ernan at 12:56 AM