5.14.2008
Ang puno't dulo ng lahat, nitong pagkalito, ng pag-aalinlangan, ay ang dati pa ring sanhi. Walang pinagbago. Walang pinagkaiba. Pareho pa rin ang sentimyento. Nakalapat pa rin sa malamig na sahig ang likod at nakatingin sa kisame, sa lagpas sa kisame, sa hindi makitang doon na pilit sinisilip sa imahinasyon. At matapos ang lahat? Ang pag-eksamen sa sarili, ang pag-usisa ng loob bago matulog, ang pakikitagpo sa sarili habang naglalakad, ang paglalahad sa dyornal, ang pakikipagtalo sa pagsusulat ng tula, ang pakikipagbuno sa iba sa araw-araw. Matapos ng ilang taon, ng dapat na pag-mature. Wala pa rin. Malalaman lang, mabibigla na back to square one. Na mas malubha, hindi umalis sa square one.Hindi ko pa rin alam ang gusto ko gawin. O mas malalim, hindi ko kilala ang sarili. Ginugulat pa rin ako ng mga realisasyon. May mga landas na tinatahak na tinitigilan sa gitna at naiisip na bakit nandito? Hindi lang dalawang isip ngunit balikwas sa desisyon.
Isang paa palabas, isang paa papasok.
At ulit, itong tono na 'to na akala'y kinalakhan na. Kahit anong sabihin, kapag sinilip sa kaibuturan, walang pagbabago. Windang pa rin sa dami ng posibilidad na nagiging pagsikil ng posibilidad. Sa dami ng pagpipilian walang mapili. Na kahit may pinili na, iniisip na mali ang pinili. Na akala'y nanindigan na at nakaalpas na sa square one, ngunit ang totoo'y malawak lang ang square one. At kahit saan bumaling, laging simula, ang walang katapusang simula.
Ang bahid ng simula hanggang maubusan ng oras. Diyan nag-uugat ang takot.
Labels: muni
Ernan at 1:04 AM