11.28.2006
Hindi na ako sanay.Sobrang tagal na nang huli akong magsulat sa blog, o sa journal, o na kahit anong sulat na para sa sarili. Ni personal ngang liham hindi ko masimulan.
Hindi ko alam kung saan o kailan nagsimula ang katamarang ito. O pagkabagot ba sa sarili? Ang alam ko, ilang ulit ko nang sinabi sa mga nangungumusta sa akin na hindi na ako nakakapagsulat (sabay patawang hehe). At totoo iyon. Hindi lang ako nagpapakyut, o nagpapaka-cool, o pa-misteryeso effect. Alam ko na namang kyut ako, at feeling ko naman cool ako, at hinding-hindi ako misteryeso kahit kailan kaya hindi ko na aasam-asamin pa.
Wala akong excuse. Walang ibang rason kundi ganoon e, hindi ako nagsusulat.
At pagkatapos ng ngiting he he, kung nagtatanong pa rin ang mukha ng kausap ko, nagbibigay na lang ako ng reassurance. Dinadagdag ko na kahit hindi ako ngayon nagsusulat sigurado kong magsusulat pa rin ako. Babalik at babalik ako.
Ngunit para palang pananalig ang pagsusulat. Habang lumalayo ka mas mahirap bumalik. Kailangan tinatapik-tapik ka pabalik sa tamang daan.
Ngayon, takot akong magsulat. First time 'to. Dahil dati, noon sa kolehiyo, sige lang sulat lang. Pangit, lampa, joke na tula, sulat lang. Walang pakialam, walang iniintindi. Ngayon hindi. Dahil napagdaanan mo na 'yun e. Dapat mas malay ka na sa gawa mo. Mas gising ka sa maganda at pangit sa sariling pagsusulat. May takot na baka pangit ang isulat. Pero ngayon, higit pa doon, may takot na hindi na ako marunong magsulat uli.
Alam ko pa rin naman ang mga alituntunin, bilin at advices. Mga basics at SOPs. Magmasid, wika, imahen, line cuts, jambs, at iba pa. Pero sa magmasid pa lang, talo na ako. Wala na akong stamina na umupo lang at magsulat ng isa, dalawa, walong oras. Kinse minutos pa lang, tinatapos ko na ang pagsusulat. At kailangan maayos siya kaagad. Wala na akong pasensya. Hindi ko makayanan.
Kailangan turuan ko uli ang sarili na makiramdam. Na mabuhay bilang manunulat. Na magliwanag ang mga bagay at pagkakataon. Na hablutin ako ng isang pakiramdam at itago ako sa bulsa niya ng isa, dalawa, walong oras o araw.
Pero kahit ganito, malakas ang kumpiyansa ko sa sarili, makakabalik din ako. Masasanay akong muli. Ang tagal kong nawala. Kung saan-saan ako napadpad. Ngunit gaano man katagal, makakabalik ako. Makaka-uwi rin ako.
Ernan at 3:05 AM