2.16.2005
Sa pananahimik ko sa pag-update, saka naman ang kaguluhan ng paligid ko at ang pagbilis ng mga pangyayari sa buhay at karera. Nawalan tuloy ako ng oras sa sandali, sa pananahimik.Buti na lang kagabi at may nakapagpaalala. Na kinakailangan kong tumigil at dinggin ang tunay na tawag ng persona. Hinahanap-hanap ko uli ang mga sulok ng sandali, ang kutob ng katahimikan.
Kagabi, sa klase (oo pumpapasok pa rin ako sa awa ng Diyos), may nakapanyam kami. Ang pagpapakilala sa kaniya ay isang visionary. Isang medium, channel, spirtista. Maihahanay mo siya sa grupo ni Licauco.
Hindi ako tuluyang sumasang-ayon sa mga ganito ngunit hindi rin naman talagang sarado ang isipan ko. Hindi ako bumubuo ng opinyon sapagkat di ako sigurado. May mga kutob na nagsasabing haka-haka ngunit may tibok din sa dibdib na nagsasabing totoo. Anu't anupaman, peke man o hindi, napa-iral ang tumitindi kong kasabihan, na maniniwala ako sa mabuti.
At sa hinahon ng pananalita niya at sa nakakapagkalmang paraan niya, at sa mga bagay na naikuwento niya, at sa mga bagay na nagawa niya, lahat patungo sa mabuti. At kung nakakarinig man siya ng mensahe o hindi, may telepathy man o wala, ang tuturingan ko ay ang mabuti niyang gawa at ang mabuti nitong dulot sa akin, sa kapwa, sa mundo.
Ang lagi niyang banggit ay alamin ang nais ng espiritu. Ang magdasal at makipag-usap sa dakilang may lalang ng lahat, ang manahimik.
At ang lahat ng iyan ay kinalimutan ko. Isinantabi muna at hindi na binalikan.
Kaya ngayon, susubukan muling manahimik at magdasal at makinig at mabuhay.
<<
Ernan at 1:57 PM