9.02.2008
Simula ngayon kahit isang pangungusap lang.Bakit nagpipigil? Kanino takot? Kanino nahihiya?
Ako rin lang naman. Ako. Hindi ba?
Labels: muni
Ernan at 11:53 AM
7.05.2008
Pinariringgan na naman ako. Nagpaparamdam na naman. Totoo, sa lahat ng aspeto. Ayaw akong tantanan. At ayaw, ayaw ko rin namang tantanan ako. Mahinto.Pero kaya nandito ito uli dahil dito -
Hindi sa pagiging tapat kundi para maging sapat.
Labels: muni
Ernan at 4:54 PM
5.14.2008
Ang puno't dulo ng lahat, nitong pagkalito, ng pag-aalinlangan, ay ang dati pa ring sanhi. Walang pinagbago. Walang pinagkaiba. Pareho pa rin ang sentimyento. Nakalapat pa rin sa malamig na sahig ang likod at nakatingin sa kisame, sa lagpas sa kisame, sa hindi makitang doon na pilit sinisilip sa imahinasyon. At matapos ang lahat? Ang pag-eksamen sa sarili, ang pag-usisa ng loob bago matulog, ang pakikitagpo sa sarili habang naglalakad, ang paglalahad sa dyornal, ang pakikipagtalo sa pagsusulat ng tula, ang pakikipagbuno sa iba sa araw-araw. Matapos ng ilang taon, ng dapat na pag-mature. Wala pa rin. Malalaman lang, mabibigla na back to square one. Na mas malubha, hindi umalis sa square one.Hindi ko pa rin alam ang gusto ko gawin. O mas malalim, hindi ko kilala ang sarili. Ginugulat pa rin ako ng mga realisasyon. May mga landas na tinatahak na tinitigilan sa gitna at naiisip na bakit nandito? Hindi lang dalawang isip ngunit balikwas sa desisyon.
Isang paa palabas, isang paa papasok.
At ulit, itong tono na 'to na akala'y kinalakhan na. Kahit anong sabihin, kapag sinilip sa kaibuturan, walang pagbabago. Windang pa rin sa dami ng posibilidad na nagiging pagsikil ng posibilidad. Sa dami ng pagpipilian walang mapili. Na kahit may pinili na, iniisip na mali ang pinili. Na akala'y nanindigan na at nakaalpas na sa square one, ngunit ang totoo'y malawak lang ang square one. At kahit saan bumaling, laging simula, ang walang katapusang simula.
Ang bahid ng simula hanggang maubusan ng oras. Diyan nag-uugat ang takot.
Labels: muni
Ernan at 1:04 AM
2.01.2008
Binasa ko ang ilang mga entries ko dito sa blog na 'to. Nagbago na pala akong magsulat. O mas tumpak, ang atake sa pagsulat ng blog. Nakita kong mas personal ako dati. Ngayon, parang ang dami kong sine-censor. Hindi naman sadya. Minsan nahihiya lang. Kahit hindi naman nakakhiya ang kuwento. Mas naging sarado ako. Hindi lang sa blog na 'to. Pero marahil sa buhay na rin. Sa araw-araw. Oo, maingay pa rin ako. Magulo. Pero mas walang binabahagi kundi ang mga impresyon na walang wawa.Minsan tinatamad lang. Naiisip isulat ang mga nangyari kaso naiisip ko kaagad na napakatagal kong magsulat. Kahit walang kuwentang entry lang. Ang dami ko kasing satsat. Aaabutin siguro ako ng 30 minutos. Ngayon, tignan mo, ito pa lang ang nagagawa ko, naka-7 minuto na ako. Hindi na ako nag-iisip sa lagay na ito. Dire-diretso lang. Kung ano ang pumasok sa isipan, tinatayp. Kaya kapag may sumulpot na pulang tigre na may panty sa ulo, isusulat ko. Kitams.
Hayan, nawala na ako. Ehersisyo 'to siguro para maging bukas lang ako. Pero bakit ngang kailangang maging bukas o magbigay? Hindi naman para sa inyo. Kundi para sa'kin. Para maya't maya nangangata ko ang sarili ko. Chaingang ang tumutgtog, na-miss ko sila. Inarbor ko pa ang tape nila dati mula sa pinsan ko.
Nawala na ako. Hindi naman ako nangangako na magiging ganito na ako magsulat. Puna lang ba. Na parang mas gusto ko ang dating ako sa ngayong ako ko.
Wrong letters daw ang na-type ko sa verification code. Try ko i-publish uli.
Ayaw pa rin. Third try na 'to.
Labels: muni
Ernan at 8:10 PM